‘Bloody Mary’ ng #WagPo: Pang-aabusong sekswal sa ‘safe spaces’

'Bloody Mary' ng #WagPo: Pang-aabusong sekswal sa 'safe spaces'

HABANG papalapit ang Halloween, inilabas ng kampanyang “#WagPo” ang ikalawang video nito na naglalantad sa nakakikilabot na realidad ng karahasang sekswal, kahit sa mga lugar na itinuturing na ligtas.

Sa video na naka-post sa Facebook page ng Kababaihan, muling binibigyang-buhay ang kwento ni Mary Cherry Chua, isang batang ginahasa at pinatay ng isang janitor.

Ang kwentong ito ay paalala na ang panganib ay maaaring nagtatago sa pamilyar at tila ligtas na lugar—mga kwento na, sa kasamaang-palad, sumasalamin sa tunay na karanasan ng marami.

Sa Zamboanga City pa lamang, ayon sa pulisya, halos 100 kaso ng panggagahasa sa menor de edad ang naitala mula Enero hanggang Agosto 2024, kung saan 85% ay may kinalaman sa incest.

Noong nakaraang taon, isang guro sa Quezon City ang nasangkot sa panggagahasa sa isang 13-anyos na estudyante sa loob ng silid-aralan. Ayon din sa Department of Education (DepEd), dalawang guro sa Cavite at Zamboanga ang nahaharap sa kasong “child grooming,” at lima sa Cavite ang kinasuhan dahil sa mga di-angkop na mensahe sa mga estudyante na kumalat sa social media.

Baka Bet Mo: Undas 2024: 7 paalala para sa ligtas na pagdalaw sa sementeryo

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Undersecretary Atty. Margarita Gutierrez, na nangunguna sa iba’t ibang programa para maiwasan at masugpo ang panggagahasa at karahasang sekswal, nababahala siya sa pagdami ng mga ganitong insidente.

“Nagsusulong kami ng kamalayan, lalo na sa mga biktima, tungkol sa kahalagahan ng paggamit ng kanilang boses laban sa mga umaabuso.

“Sa matagal na panahon, ang kahihiyan sa mga kasong ito ay napupunta sa mga biktima. Pero hindi ba dapat ang kahihiyan ay nasa mga salarin dahil sa kanilang kasalanan? Panahon na upang mabawi natin ang ating lakas.

“Sa paggamit ng ating boses, maari nating tawagin ang pansin sa mga gumawa sa atin ng mali at hingin ang hustisyang nararapat sa atin. Hindi lamang natin pinalalakas ang ating sarili kundi nagbibigay-lakas din tayo sa ibang biktima.

“Ang ating kolektibong boses ay maaaring magbigay-babala sa mga umaabuso na hindi na tayo mananahimik,” sabi ni Gutierrez.

Pinuri rin ni Gutierrez ang mga kampanya tulad ng “#WagPo” sa pagtutulak sa mga indibidwal na basagin ang siklo ng pang-aabuso.

“Nakakaalarmang nagiging pangkaraniwan ang mga ganitong kaso. Sama-sama tayong kumilos upang maiwasan maging normal ito,” diin ni Gutierrez.

Ang “#WagPo” ay isang movement na nagbibigay-lakas sa mga biktima ng pang-aabuso at nagsusulong ng mga hakbang para maiwasan ito sa pamamagitan ng edukasyon at mga kampanya.

Ang Kababaihan, isang bagong tatag na organisasyon, ay tumutulong sa pagtatanggol sa karapatan ng kababaihan at sa paglikha ng ligtas na espasyo para sa mga biktima.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kampanyang #WagPo at kung paano ka makakatulong, bisitahin ang www.kababaihan.com.

Read more...