AMINADO ang talent manager at content creator na si Ogie Diaz na napakatinding challenge para sa kanya ang magkaroon ng bagong show sa telebisyon.
Ang tinutukoy namin ay ang latest game-variety show ng TV5 na “Quizmosa” produced by Cignal TV at MQuest Ventures, at mapapanood mula Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m. after ng “Eat Bulaga.”
Ito’y para sa lahat ng showbiz at pop culture fans na mahilig sa mga chika sa entertainment industry. Ang “Quizmosa” ay isang “chismis with a quiz” show na magsisimula na ngayong araw, October 21, sa Hapon Champion block ng TV5.
Hatid nito ang iba’t ibang celebrity news trivia challenges na swak na swak sa certified Marites na gustong maki-
chika at maki-quizmis!
Tampok din sa bagong show ng TV5 ang mga nakakaintrigang impormasyon at balita tungkol sa mga paborito n’yong mga artista.
“Quizmosa is the ultimate way for our viewers to test their inner ‘marites’ and ‘tolits’ and have fun while doing it,” ani Guido R. Zaballero, TV5 President at CEO.
Baka Bet Mo: Ogie Diaz super excited na sa bagong show na ‘Quizmosa’: Game nang chumika!
“Through this innovative format, Ogie, an exciting addition to the Kapatid family, will undoubtedly elevate and awaken our Kapatids’ afternoon viewing experience,” aniya pa.
Bukod kay Ogie, makaka-join din sa Quizmosa ang viral comedian at content creator na si Ton Soriano, ang social media star na si Tita Jegs, at ang hunk actor na si Kid Yambao.
“We are excited to bring Quizmosa to TV5 because it’s a fresh and unique format that brings together the fun of celebrity gossip and the excitement of a quiz show.
“And with Ogie Diaz at the helm, we’re sure the show will be full of surprises, laughter, and juicy stories,” sabi naman ni Sienna G. Olaso, First Vice President/Head of Channels and Content sa Cignal TV at Head of Special Projects ng MediaQuest Holdings, Inc.
Sa panayam ng ilang members ng media sa naganap na presscon ng “Quizmosa”, sinabi ni Ogie na isang hamon para sa kanila ang magkaroon ng show tuwing hapon.
“Wala naman ho kaming masyadong kalaban sa hapon kundi ‘yung mga drama. Siyempre alam ninyo na ‘pag hapon iba-iba naman ang mga phase ng tao sa panonood ng telebisyon.
“So, ‘yung iba gusto lang maaliw, ‘yung iba gusto ng chismis, ‘yung iba wala lang, gusto lang nila manood.
“Sa panahon ngayon na napakahirap nang i-please ng mga tao ay talagang ‘yan po ‘yung una naming concern, kung paano namin bubuhayin ‘yung hapon.
“Kaya isang malaking ano po ito, hindi naman tinik sa dibdib ‘no, isang malaking pasanin po sa amin ito. Isang hamon,” pagbabahagi ni Ogie.
Aniya pa, “Isang napakalaking responsibilidad. Napakalaking hamon ang ibinigay sa amin ng TV5. Kaya wala kaming ibang puwedeng gawin kundi pag-igihan everyday, ‘yung aming mga ginagawa. Kung meron ho kayong mga katanungan…
“Haluan namin ng spice, ayan. Kada round, kada tanong meron din kaming mga hirit diyan.
“Para naman updated din ang ating mga televiewers at ang ating mga netizens sa kung ano ang mga kaganapan sa mga nangyayari sa industriya, hindi lang sa showbiz, maging sa sports, sa politics, ‘di ba? Lahat ‘yan iko-cover namin, ‘no. Oo, pero naka-bulletproof kami. Iba, iba, iba.
“Ika nga ng Quizmosa ay pakinabangan na natin ang pagiging chismosa natin. So, kung marami kayong alam sa showbiz, ayan.
“Puwede ho kayong sumali rito. At io-open naman namin ito sa lahat. Sabi ko nga, from all walks of life. Kahit mga bata, ‘pag meron kaming panawagan para sa mga batang contestants, puwede silang sumali rito.
“Pero siyempre, mag-iimbita rin kami ng mga TV personalities; mga taga-showbiz industry para sumali rito at makiisa.
“At open din ang Quizmosa para makatulong din kami sa promo ng mga pelikula na ipalalabas ng mga actors,” chika pa ni Ogie.