Kaya nating bumangon

KAHIT na sino sa atin marahil ay hindi mahihiyang aminin na hindi natin napigilang lumuha matapos na makita ang mga larawan at video footages ng devastation na iniwan ni Yolanda noong naaraang linggo.

Itinatong natin marahil kung anong napakalaking kasalanan ang nagawa nating mga Pilipino upang matikman ang ganitong kasaklap na kapalaran.

Pero siyempre, nang tayo’y nahimasmasan, tinanggap na lamang natin na ito ay isang pagsubok at paghamon sa ating kakayahang tumanggap ng trahedya at bumangon muli.

Ipinakita ko sa bunso ko ang mga litrato ng lupit ni Yolanda at ikinintal ko sa kanyang isipan na napakasuwerte namin, napakasuwerte nating mga hindi inabot ng ngitngit ni Yolanda.

Paano kung tayo yung nawalan ng bahay, nawalan ng eskwelahan, ng simbahan, ng tanggapan, ng mga mahal sa buhay? Kakayanin ba natin iyon?

Napakarami kong kaibigang taga-Leyte, taga-Cebu, taga-Visayas at Mindanao. Hindi ko  ma-kontak ang ilan sa kanila.
Sa totoo lang, Tacloban holds a very special place in my heart.

Dito kasi ang unang out-of-town assignment ko noong nagsisimula pa lang ako bilang sportswriter. Dito ako nag-cover ng Palarong Pambansa noong early 1980s.

Kaya naman tuwing babalikan ko ang lugar na ito para sa coverage ng PBA out-of-town games ay nagiging sentimental ako. Tumitira ako  at kumakain sa Cindy’s ni Kenneth Uy.

Binibisita natin si direk Jeff Manibay na dati nating kasama sa PBA broadcast  at sa Philippine Professional Boxing League.
Nakarating na rin ako sa Ormoc at impressed ako sa naging development ng lugar na iyon matapos ang isang mas maagang kalamidad na sumira sa lungsod.

Pero ngayo’y parang dinurog ang Leyte. Kahit paano’y parang dinurog din ang puso ko.  Sigurado akong mas masahol sa nararamdaman ko ang nararamdaman ng mga may kamag-anak sa lugar na nasalanta!

Dahil sa trahedyang nangyari at sa pagdating na isa na namang bagyong si Zorayda, marami akong kaibigang nagtatanong kung matutuloy pa raw ba ang mga out-of-town games ng PBA sa Davao at sa Cebu na kasabay ng laro sa Maynila sa opening ng 39th season sa Linggo?

Kasi nga, baka raw wala namang manood sa mga games sa prubinsiya dahil sa abala ang mga tao sa pagbangon buhat sa trahedya. Baka daw mas magandang ipagpaliban na lamang ang mga out-of-town games na to.

Sa totoo lang, puwedeng tingnan ang sitwasyon sa dalawang direksyon. May nagsasabing dapat ipagpaliban, pero mayroon ding nagsasabing dapat ituloy.

Dapat daw ituloy ang mga laro upang tulungan ang mga taong kahit paano’y makalimutan ng bahagya ang sinapit na trahedya.  Siguradong makapagbibigay saya ang mga manlalaro ng PBA. Iyon ang social responsibility ng liga, e.

Siyanga pala, nagbigay ng donasyong P1 million ang PBA sa pangunguna ni chairman Ramon Segismundo para sa mga nasalanta ni Yolanda. Ito’y iniabot nila sa Alagang Kapatid Foundation.

Tumulong tayo kahit kaunti. At ipagdasal natin ang ating kapuspalad na kababayan.

Read more...