Liam Payne nag-post ng ‘Beautiful Day in Argentina’ bago namatay

Liam Payne nag-post ng 'Beautiful Day in Argentina' bago namatay

MUKHANG maligaya at wala namang pinagdaraanang mabigat ang dating member ng One Direction na si Liam Payne na sumakabilang-buhay kaninang madaling-araw, October 15.

Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang Buenos Aires Police para matukoy ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Liam.

Base sa paunang report na inilabas ng otoridad sa Argentina, nahulog ang international singer mula sa 3rd floor ng tinutuluyan niyang hotel sa Palermo, Buenos Aires, Argentina.

Ang tanong kasi ng lahat – aksidente o sinadya ba ang nangyari kay Liam? Ayon sa mga fans ni Liam, kailangang gawin ng Buenos Aires Police ang lahat para malantad ang tunay na kuwento sa likod ng pagkamatay ni Liam.

Samantala, ilang oras bago namatay si Liam ay nakapag-upload pa siya ng kanyang mga litrato sa Snapchat Story kung saan kasama niya ang kanyang partner na si Kate Cassidy.

Baka Bet Mo: One Direction nag-sorry sa libu-libong Pinoy fans

Ang inilagay na caption ni Liam sa kanyang post ay, “Beautiful day in Argentina.”

Nabatid din na nasa Buenos Aires si Liam kasama si Kate last September 30 para bigyan ng support ang dati niyang kasamahan sa One Direction na si Niall Horan na nag-concert sa Movistar Arena noong October 2.

Habang isinusulat namin ang balitang ito ay wala pang official statement ang pamilya ni Liam, pati na ang mga dati niyang kamiyembro sa One Direction na sina Harry Styles, Louis Tomlinson, Zayn Malik, at Niall Horan.

Naulila ng yumaong singer ang kanyang pitong gulang na anak na si Bear Grey sa dating karelasyong singer na si Cheryl Cole na former member ng pop girl group na Girls Aloud.

Sa mga hindi pa aware, ang producer na si Simon Cowell ang bumuo ng One Direction at ni-launch noong 2010 sa “X-Factor.” Na-disband ang grupo noong 2015.

Last June, 2021, inamin ni Liam sa isang interview na nagkaroon siya ng bisyo lalo na noong kasagsagan ng kasikatan ng One Direction, bukod pa sa kanyang mental health issues at “suicidal ideation.”

Read more...