NAGLABAS na rin ng “public apology” ang Apostolic Vicariate of San Jose, ang simbahan sa Mindoro, pati na rin ang parish priest mismo ng Nuestra Señora del Pilar Shrine na si Rev. Fr. Carlito Dimaano.
Ito ay kaugnay sa kontrobersyal na viral performance ni Julie Anne San Jose sa naganap na benefit concert sa loob ng simbahan noong October 6.
Sa Facebook ibinandera ang official statement ng church na lubos na humihingi ng tawad sa lahat ng na-offend at nasaktan sa nangyari.
“Fr. Dimaano took full responsibility for all that happened at this event. He recognized all the mistakes and apologized,” saad sa bahagi ng pahayag.
Ani pa, “We are very sorry for those who have been offended and scandalized. We seek your understanding and beg for forgiveness.”
Baka Bet Mo: Sparkle nag-sorry sa mga na-offend sa show ni Julie Anne sa simbahan
Personal ding naglabas ng statement ang parish priest upang ibandera ang kanyang pagsisisi at humingi ng sorry sa mga nadamay sa isyu.
“Inaamin ko pong may mga mali kaming desisyon ukol dito. Inaako ko po ang lahat ng mga pagkakamaling ito,” saad niya.
Nag-sorry rin siya kay Julie Anne at sa isa pang performer na si Jessica Villarubin na nakakatanggap ngayon ng negative comments mula sa maraming netizens.
“Kung maibabalik ko lamang po ang panahon, disin sana’y naisakatuparan ng tama at wagas ang gawaing ito na alay kay Maria,” sambit ni Fr. Dimaano at nangakong hindi na ito mauulit.
Magugunitang na-bash ng bonggang-bongga si Julie Anne sa social media dahil bukod sa naging performance niya sa hit song na “Dance Queen” ay hindi rin daw wasto ang suot niyang gown na naka-spaghetti strap at may mataas na slit sa binti.
Nauna nang nag-sorry ang GMA Sparkle management at mismong si Julie Anne.
“I truly sincerely apologize. This is a lesson learned and it is assured that it will not be repeated,” wika sa bahagi ng post ng singer.
Lahad naman ng talent agency, “Julie Anne only fulfilled her duties and commitment as a true professional.”