SIGURADO na ang kandidatura ng beteranong mambabatas na si Sen. Bong Revilla, Jr. para sa darating na 2025 midterm elections.
Ito’y matapos nga siyang mag-file ng Certificate of Candidacy (CoC) ngayong araw, October 7, sa Manila Hotel kasama ang buong pamilya, kabilang na ang anak niyang abogado na si Inah Revilla.
Muling tatakbo si Sen. Bong sa ilalim ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ang kasalukuyang pinakamalakas at pinakamalaking partido sa bansa kung saan siya ang Chairman.
Si Revilla ay kaanib ng LAKAS -CMD simula pa noong siya ay unang pumalaot sa pulitika tatlong dekada na ang nakararaan.
Baka Bet Mo: Boy Abunda mas naa-appreciate pa ngayon ang mga mambabatas dahil sa ‘CIA with BA’
“Ngayong araw, pormal na nating sinelyuhan ang ating kandidatura sa pagkasenador sa darating na eleksyon 2025. Ang iyong lingkod, si Senador Bong Revilla, na sa loob ng tatlong termino bilang mambabatas sa Senado ay pinagkatiwalaan ng sambayanan, ay muling lalaban at titindig para patuloy na maging tagapagsulong ng kapakanan ng bawat isang ordinaryong Pilipino,” saad ng aktor at public servant.
Si Revilla ay bahagi ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Senate Slate ni Pangulong Ferdinnd Bngong Marcos Jr. na binubuo ng 12 senatorial candidates mula sa iba’t-ibang major political parties sa bansa kabilang na ang Lakas-CMD.
“Nagpapasalamat ako sa ating Pangulong Bongbong Marcos at kay Lakas-CMD President Speaker Martin Romualdez sa tiwala na pinagkaloob nila sa akin upang maging isa sa mga kandidato na ilalaban ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.
“It’s an honor to run under this slate whose great aspiration is to stand up for the welfare, interests, and rights of every Filipino,” dagdag ni Revilla.
Si Revilla na nagsilbi na ng tatlong termino sa Senado (2004-2010; 2010-2016; 2019-present) ang instrumento sa pagpasa ng maraming landmark laws na direktang nagbibigay benepisyo sa maraming Pilipino hanggang sa kasalukuyan.
Kabilang dito ang “Kabalikat sa Pagtuturo Act” (RA 11997), Expanded Coverage of Centenarians Act (RA 11982), “No Permit, No Exam Prohibition Act” (RA 11984), “Free College Entrance Examinations Act” (RA 12006), Granting Night Shift Differential Pay to Government Employees (RA 11701), and “Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act” (RA 11909).
Siya rin ang ang may-akda ng batas upang maging lehitimo ang mga batang isinilang sa labas ng pagsasama ng legal na mag-asawa at ang motorcycle helmet act, at napakarami pang iba.
Si Revilla ay nagtala rin ng perfect attendance sa Senado at nakapagsumite ng kabuuang 1,979 bills and resolutions, kung saan 339 sa mga ito ay umiiral nang batas.
“Sa ating halos dalawang dekadang paninilbihan bilang senador, marami na po tayong naipasang mga batas na talagang pinakikinabangan ng ating mga kababayan.
“Hindi po natin sinayang ang tiwala ng sambayanang Pilipino. Sinigurado ko na bawat sentimo na pinapasahod sakin gamit ang buwis ng taumbayan, naibalik natin sa kanila sa pamamagitan ng pagsusulong at pakikibaka sa pagpasa ng mga makakabuluhang batas,” pagwawakas ni Revilla.
Nang tanungin hinggil sa mga balakin para sa ikaapat na termino sa Senado ay sinabi nitong ipagpapatuloy niya ang pagsulong para sa social justice, kapakanan ng mga manggagawa, seguridad sa pagkain, public infrastructure, at karagdagang benepiyo pa para sa mga government employees.
“I am happy to say that because of the people’s trust, I was able to deliver my pact with the people. Ngayon, muli kong iniaalok ang aking kakayahan sa ating mga kababayan para patuloy silang paglingkuran,” ani Revilla.
Ang paparating na midterm elections ay nakatakda sa May 12, 2025 kung saan 12 senador ang kailangang ihalal ng mga botanteng Filipino.