Nanay ng biktima ni John Amores sumugod sa pulisya

Nanay ng biktima ni John Amores sumugod sa pulisya

GIGIL na gigil na sumugod ang ina ni Lee Cacalda na si Shirley sa Lumban Police Station para puntahan ang basketbolistang si John Amores.

Ngayong araw, sumugod ang ginang sa police station matapos ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng kanyang anak at basketbolista na nagkapikunan habang naglalaro ng basketball.

Emosyonal na humarap sa media ang nanay ng biktima at sinabing wala silang balak iurong ang kasong Attempted Murder laban sa PBA player.

Baka Bet Mo: PBA player John Amores sumuko na sa PNP matapos mamaril sa Laguna

“Itutuloy ko ‘yan! Bibigyan ko ng kadalaan ‘yang hambog na ‘yan! Mayabang talaga. Sa akin madadala ‘yan,” saad ni Shirley sa panayam niya sa ABS-CBN News.

Pinanindigan rin ng ginang na wala silang balak kausapin ang kampo ni John.

Ipinagpapasalamat na lamang ng ina ng biktima na sa kabila ng naganap ay walang masamang nangyari sa anak.

Ani Shirley, “Wala akong planong kausapin sila. Ipinagpapasalamat ko sa Diyos talaga na walang nangyari sa anak ko.

“Nagpapasalamat ako, may nagsabi walang tama, walang nangyari. Pero nang makita ko yung CCTV, harap-harapan niyang binaril ang anak ko.”

Lahad ni Shirley sa kanyang panayam, ilang araw pa lang nananatili sa bansa ang anak dahil sa barko ito nagtatrabaho.

Aniya, plano lamang ng kanyang anak na magpapawis kaya naglaro ito sa basketball malapit sa kanila.

Kuwento pa ni Shirley, hindi niya alam na ang pagnanais ng anak na magpapawis ay ang siyang dahilan pa ng muntik nitong pagkakamatay.

Nitong Miyerkules, September 25, kumalat sa social media ang panunutok at pamamaril ni John Amores sa naging kalaro matapos magkainitan sa loob ng basketball court.

Mabuti na lang at walang buhay ang nasawi sa nangyaring indidente.

Read more...