Ang ganda ng patikim para sa 50th year ng Metro Manila Film Festival dahil naka-display na sa MMDA building facade sa Orense Edsa ang Mural ng hand painted wall ang movie icons na gawa ng mga estudyante ng IAcademy.
Ang mga mukha ng movie icons na nasa wall ay kinabibilangan nina Eddie Garcia, Dolphy, Fernando Poe, Jr, Anthony Alonzo, Nora Aunor, Vilma Santos, Christopher De Leon, Maricel Soriano, Cesar Montano, Vic Sotto, Vice Ganda, Amy Austria, Joesph Estrada, Dingdong Dantes, Marian Rivera at Gloria Romero.
Naging malaking katanungan na agad kung bakit ang mga nabanggit lang ang may mukha sa nasabing mural sa Edsa at ang sagot naman ni MMDA Chairman Atty. Don Artes ay sila ‘yung maraming awards ang nakuha sa MMFF sa loob ng 50 years or more kaya nasa Hall of Famer na sila at ‘yung iba ay all time high box-office hit at sina Dingdong at Marian iyon.
Nagtanong din kami sat aga MMFF kung bakit wala sina Sharon Cuneta at sinagot kami ng isang beses lang siya nanalo ng Best Actress sa “Mano Po 6: A Mother’s Love”; Aga Muhlach ay isa rin para sa “Miracle Cell No. 7”; si Judy Ann Santos at dalawang beses palang nanalo para sa “Kasal Kasali Kasalo” noong 2006 at ang “Mindanao” noong 2019.
Baka Bet Mo: DongYan, Vice, Vic pasok sa MMFF mural sa EDSA; ’50@P50′ sa sine winner
Nabanggit pa na dumaan sa matinding research ang lahat ng ilang beses bago ito pinirmahan ni MMDA/MMFF Chairman Artes.
Sa ginanap na Mural launch nitong Huwebes, Setyembre 19 at scene stealer ito sa commuters. Inaabangan ang mga pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival simula sa Disyembre 25.
Tungkol naman sa Sine Sigla sa Singkuwenta ayon kay Atty. Artes, “With the Sine Sigla sa Singkuwenta screenings, we will bring some of the most memorable MMFF films back to the big screen for just PHP50 per screening, allowing both new audiences ang long-time fans to experience the magic of these beloved films on screen once again.
“These films represent the best of what MMFF has offered over the past five decades.
As we look forward to another 50 years, let us continue to support and promote the MMFF and the local film industry, and encourage our Filipino filmmakers to create meaningful and impactful films that resonate with audiences both here and abroad.
“Thank you for joining us in this historic celebration. Maraming salamat, at mabuhay ang MMFF. Mabuhay ang pelikulang Pilipino.”
Kasama ang mga pelikulang mapapanood sa piling sinehan mula Luzon, Visayas at Mindanao simula sa Setyembre 25 hanggang Oktubre 15 na ang babayaran lang ay P50
Ang mga pelikula ay Himala, Atsay at Minsa’y Isang Gamu-gamo ni Nora Aunor; Karma, Imortal, at Langis at Tubig ni Vilma Santos; Ang Panday, Agila ng Maynila, at Ang Alamat ng Lawin ni Fernando Poe Jr.; Tanging Yaman at Rainbow’s Sunset ni Gloria Romero; Kung Mawawala Ka Pa, Bad Bananas sa Puting Tabing, at Ganito Kami Noon, Paano Kayo Ngayon? ni Christopher de Leon…
Ang entry naman ni Hilda Koronel ay ang Insiang, Kung Mangarap Ka’t Magising, at Crying Ladies; Ang May Minamahal at Miracle in Cell No. 7 ni Aga Muhlach; Kasal. Kasali, Kasalo nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo; Firefly at One More Try ni Dingdong Dantes; Walang Forever nina Jericho Rosales at Jennylyn Mercado.
Ang Bulaklak ng Maynila nina Angelu de Leon at Elizabeth Oropesa; Moral with Lorna Tolentino at Gina Alajar; Karnal nina Cecille Castillo at Charito Solis; Mga Bilanggong Birhen nina Alma Moreno at Trixia Gomez; Jose Rizal ni Cesar Montano.
Pasok din ang Okay Ka, Fairy Ko ni Vic Sotto; Ang Panday ni Bong Revilla; Ang Tanging Ina Mo ni Ai Ai de las Alas; Ang Babae sa Septic Tank 2 ni Eugene Domingo; Markova ni Dolphy; Die Beautiful ni Paolo Ballesteros.
Kasama rin ang pelikulang Big Night ni Christian Bables; Gandarrapido Revenger Squad ni Vice Ganda; Brutal ni Amy Austria; Mano Po ni Maricel Soriano; Darna ni Nanette Medved.
Ang Captain Barbell ni Herbert Bautista; Magic Temple nina Jason Salcedo at Anna Larrucea; Feng Shui II ni Kris Aquino; Bonifacio, Ang Unang Pangulo ni Robin Padilla; Manila Kingpin: The Untold Story of Asiong Salonga ni ER Ejercito; ang unang dalawang installment ng Shake, Rattle and Roll, at marami pang iba.
Say pa ni Atty. Artes, “nagse-send out naman po tayo ng invitation na pag ‘yung pelikula po nila ang ipapalabas ay iwe-welcome natin sila.
“In fact we want to make a program nga po, e, na after ng pagso-show ng pelikula, baka puwedeng magkaroon ng talkback session para i-discuss nila yung challenges nila sa paggawa ng pelikula. Yung mga aspeto po ng paggawa ng pelikula. Yes, we will do that po.”
Ang pahayag naman ng ating National Artist for Film and Broadcast na si Ginoong Ricky Lee na, “Pag may nag-iinterbyu sa akin, lagi kong sinasabi na MMFF baby ako.
“Nagsimula akong makilala bilang isang scriptwriter noong 1982, noong yung tatlong nominees for best film and best screenplay ay sinulat ko — Himala, Moral, saka Haplos.
“At yung tatlong best picture yata that time ay yung tatlong yun. Siyempre nanalo rin ako that time. Napakabait sa akin ng MMFF. Kaya masayang-masaya ako na nakabilang ako dito sa okasyong ito.
“Yung proyektong Sine Sigla sa Singkuwenta ng MMDA para sa 50th anniversary ng MMFF ay ginagawa lang nila yung tama, ang ibalik ang pelikulang Pilipino sa masa.
“Sa masa nanggagaling ang mga kuwento, para sa masa ang mga kuwento, at ngayon ay muli itong ihahandog sa kanila sa paraan at presyong abot nila.
“Ako, balak kong manood ng as many as possible na mapapanood sa Sine Sigla sa Singkuwenta.”
Nabanggit din ni ginoong Ricky na gusto niyang mapanood ang Shake, Rattle and Roll.
Aniya, “Gusto kong maupo kasama ng mga manonood, na kasama nilang umiyak, tumawa at matakot uli. Maramdaman uli yung naramdaman ko noong unang panahon pag nanonood ako ng pelikula. Panoorin nila lahat ng kaya nilang panoorin sa napakaiksing para sa akin, napakaiksing panahon ang 21 days para panoorin lahat. So sana, dumugin.
May pahayag din ang Mowefund Chairperson na si Gng Boots Anson-Rodrigo, “Sana po, bumalik yung sigla, yung excitement. Kanina po, nae-excite na po kami na mapanood muli sa big screen ang MMFF movies through the years. Yun pong awareness, kasi medyo nakakalimutan natin yung pinagdaanan ng industriya natin.
“Malaking sakripisyo po na yung regular cinema admission fee ay isantabi po nila para makapasok po ang madla at the very accomodating price of P50. So, manood po tayo. Kita-kita po tayo lahat. Pakibitbit na lamang po ang inyong mga pamilya, mga anak, mga kapatid para po magkaroon sila ng overview of the 50 years of Filipino film.”
Pahabol ni Atty. Artes, “ito pong proyekto na Sine Sigla sa Singkuwenta kung saan PHP50 lang yung bayad ay in cooperation with CEAP, Cinema Exhibitors Association of the Philippines.
“Ako po ay nagpapasalamat sa kanila sa pagpapagamit po ng kanilang mga sinehan.
“Kung tutuusin po kasi, yung PHP50, baka kulang pa pong pambayad ng kuryente sa aircon at sa kanilang mga staff sa paggamit ng kanilang mga sinehan. Tayo po ay pinagbigyan. Hindi po ako nagdalawang-salita na gawin itong Sine Sigla sa Singkuwenta.”
Anyway, ang huling pahayag ng MMDA/MMFF chairman ay sa Setyembre 30 ang deadline ng natitirang 5 finished films entries para sa 50th MMFF at sa Oktubre 15 naman ito ia-anunsyo para sa kabuuang 10 films na mapapanood sa Disyembre 25.