PARA sa kaalaman ng manonood ng mga bagong pelikula na ipinalabas nitong Miyerkules ay muling inanunsyo ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio ang mga ratings nito.
Tatlong mga pelikula na swak sa panonood ng pamilya at iba pang pelikulang R-16 at R-18, ipalalabas ngayong linggo sa mga sinehan.
Tatlong Rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) at isang R-16 (Restricted 16) at R-18 (Restricted 18) na mga pelikula ang nakatakdang ipalabas sa mga sinehan ngayong linggo sa pahintulot ng MTRCB.
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio, sa ilalim ng PG, maaaring manood ang mga edad labingtatlo (13) at pababa na kasama ang kanilang mga magulang o nakatatanda sa kanila ang “When the World Met Miss Probinsyana” ay may PG rating mula kina MTRCB Board Members (BM) Jan Marini Alano, Racquel Maria Cruz, at Richard John Reynoso.
Sinabi nila na ang pelikula ay naglalaman ng mga tema, eksena at aksyon na kakailanganin ang gabay ng magulang.
Baka Bet Mo: ‘Blackpink World Tour’ mapapanood na sa big screen, rated PG sa MTRCB
Ang Korean action movie na “Project Silence” ay nabigyan din ng PG rating nina Cruz, Reynoso, at Antonio Reyes, ang pelikula ay may marahas na paglalarawan at hindi pangkaraniwang mga salita na hindi angkop sa mga bata.
Ang pelikulang “Borderlands” mula sa Pioneer Films ay PG rin ayon kina BMs Cruz, Federico Moreno, at Lillian Ng Gui dahil ito’y naglalarawan ng ilang wika at eksena na kailangan ng gabay ng nakatatanda sa mga batang manunuod.
Samantala, nabigyan naman ng markang R-16 ang “It Ends With Us” mula sa Columbia Pictures Industries Inc. Ang R-16 ay para lamang sa mga edad 16 at pataas.
Sinabi nina BMs Cruz, JoAnn Bañaga, at Wilma Galvante na ang materyal ay may grapikong paglalarawan ng karahasan at ilang sekswal na mga eksena.
Ang “Unang Tikim” ng Viva Communications, Inc., ay nabigyan ng R-16 at R-18. Ang R-18 ay para lamang sa mga edad 18 at pataas. Ayon kina BMs Gui, Juan Revilla, at Antonio Reyes, ang pelikula ay may mga sekswal na eksena na hindi akma sa mga menor-de-edad.
Sa R-16 namang “Unang Tikim,” sinabi nina BMs Galvante, Moreno, at Jerry Talavera na may grapikong eksenang sekswal ang pelikula, paglantad ng mga maselang parte ng katawan at mga salitang hindi angkop sa mga batang edad 15 at pababa.
Pinaalalahanan ni Chair Sotto-Antonio ang mga manonood na ang MTRCB ratings system ay nagsisilbing gabay ng publiko tungo sa responsableng panonood.
Sinabi niyang sa pamamagitan ng pagpapalakas ng media literacy at responsableng panonood, magiging matalino ang publiko sa pagsusuri ng mga angkop na pelikula para sa kanilang pamilya tungo sa isang makabuluhang Bagong Pilipinas.