BUGBOG-sarado ang maraming bahagi ng bansa dulot ng super bagyong si Yolanda na humataw nang todo kahapon.
Nagliparan ang mga yero at ilan pang mga bahagi ng mga bahay dahil sa lakas ng hangin na dala ng bagyo.
Maging ang mga puno at pananim ay tinangay din dahil sa hagupit ng ulan at hanging dala ni Yolanda. Ilang mga lugar ang binaha sa kasagsagan ng bagyo.
Sa Tacloban City, naiulat na nagkaroon ng storm surge dahil sa tindi ng lakas ng hangin. Habang isinusulat ang balitang ito, naiulat na tatlo katao na ang nasawi dala ng bagyo.
Island-hopping
Mistulang nag-island hopping ang bagyong Yolanda nang magpalipat-lipat ito ng landfall at manalasa sa iba’t ibang lugar.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration unang nag-landfall ang pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon sa Eastern Samar alas-4:30 ng umaga.
Dalawang oras makalipas nito ay muling nag-landfall ang bagyo sa Dulag-Tolosa, Leyte. Alas-9:40 ng umaga naman nang mag-landfall ito sa Cebu at ika-apat sa Daanbantayan, Cebu.
Pang-lima naman sa Concepcion, Iloilo alas-12 ng tanghali. Napanatili ng bagyo ang bilis ng hangin nito na umaabot sa 200 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 230 kph.
Idineklara ng Pagasa kahapon ang signal no. 4 sa katimugang Occidental Mindoro, katimugang Oriental Mindoro, Romblon, Calamian Group of Island, Masbate, hilagang Cebu, Cebu City, Bantayan Island, hilagang Negros Occidental, Aklan, Capiz, Antique, Iloilo at Guimaras.
Signal no. 3 naman sa nalalabing bahagi ng Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Negros Occidental at Cebu, Burias Island, Sorsogon, Marinduque, Ticao Island, hilagang Palawan, Puerto Princesa City, Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Leyte, Southern Leyte, Bohol, Negros Oriental, Camotes Island, Biliran Province, at Dinagat Province.
Itinaas naman ang signal no. 2 sa Bataan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, katimugang Quezon, Camarines Sur, Lubang Island, iba pang bahagi ng Palawan, Albay, Surigao del Norte, Siargao, Camiguin at Siquijor.
Signal no. 1 naman sa Pampanga, Zambales, Bulacan, Camarines Norte, iba pang bahagi ng Quezon, Polilio Island, Catanduanes, Surigao del Sur, Misamis Oriental at Agusan del Norte.
Kuryente, komunikasyon putol
Naputol ang supply ng kuryente sa maraming bahagi ng Eastern Visayas, na binubuo ng Biliran, Leyte, Southern Leyte, Samar, Eastern Samar, at Northern Samar, at maging sa buong lalawigan ng Bohol na nasa Central Visayas.
Ayon naman kay NDRRMC executive director Eduardo del Rosario, di pa matukoy ng ahensiya kung anong talagang sinapit ng Eastern Visayas dahil maging ang linya ng komunikasyon doon ay naputol.
“Ang nagiging problema natin ngayon is for us not knowing kung ano ‘yung situation nila dun,” ani Del Rosario. Dahil dito ay di rin aniya ma-contact sina Defense Secretary Voltaire Gazmin at Interior and Local Government Secretary Mar Roxas, na kapwa ipinadala sa Eastern Visayas para pamunuan ang pag-responde sa bagyo.
Flight suspendido; airport nagsara
May 445 domestic flight at walong international flight ang kinansela kahapon dulot ng bagyo, ayon sa Department of Transportation and Communications (DOTC).
Labindalawang airport naman ang isinara dahil sa paghagupit ng bagyong Yolanda, ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines Operations and Rescue Coordination Center (CAAP-ORCC).
Dagdag pondo
Naglaan naman ang gobyerno ng P53.24 milyon karagdagang pondo para sa relief operations na ng Department of Social Welfare and Development.
Niliwanag ni Coloma na ang P53.24 milyon ay bukod pa sa naunang ipanalabas na P192 milyon bilang paghahanda kay Yolanda.
Samantala, inatasan ni Pangulong Aquino ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na magtuluy-tuloy ang search and rescue” operations upang makatiyak na ang lahat ng pamilya ay ligtas.
“The President has directed all government agencies to conduct continuous search and rescue activities to ensure that, at the barangay level, all families and community members are accounted for,”, ayon kay Coloma.