Liza Marcos nagpasalamat sa donasyon ng UAE para sa nasalanta ni Carina

Liza Marcos nagpasalamat sa donasyon ng UAE para sa nasalanta ni Carina

NAGPASALAMAT si First Lady Liza Araneta-Marcos sa United Arab Emirates (UAE) sa donasyon nito na isang cargo flight na puno ng assorted goods para sa Pilipinas upang matulungan ang mga  grabeng nasalanta ng Super Typhoon Carina.

“Thank you to  the United Arab Emirates for their generous humanitarian aid for flood victims of typhoon Carina,” ang post ng Unang Ginang sa kanyang Instagram account.

Dumating ang naturang donasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 noong July 30, 2024 at agad itong binigyang-pansin ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA).

Ito ay pormal na tinanggap nina Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr.

Ang UAE ay kinatawan ni Ambassador H.E. Mohammed Obaid Alqattam Alzaabi. Nandoon din sa ginanap na turnover ang Special Envoy to the UAE for Trade and Investment na si Anna Kathryna Yu Pimentel.

Baka Bet Mo: Heart nanawagan para sa mga hayop, pet owners na biktima ni Carina

Nagpahayag din ng pasasalamat si DSWD Secretary Gatchalian sa ngalan ng pamahalaan ng Filipinas at ng mga mamamayang Filipino.

Kasama sa donasyon ang mahahalagang produktong pagkain, na ipamamahagi sa mga local government units (LGUs) at sa kanilang mga nasasakupan sa mga lugar na sinalanta nang todo ng bagyong Carina.

Pinasalamatan ni FL Liza Marcos ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na nagkaroon ng mahalagang papel para matiyak ang walang putol na pagsasaayos at pagpapalabas ng mga donasyon.

Ang kanilang organisadong paghawak sa customs procedures ay naggarantiya na ang mga kaloob na goods ay naproseso nang maayos at naibigay sa mga tatanggap na ahensiya nang walang pagkaantala, na nagpapakita ng kanilang commitment sa mabilisan at epektibong serbisyo sa panahon ng krisis.

Ang mahalagang tulong o aid mula UAE ay nagpapakita ng importansiya ng international cooperation at support sa panahon ng krisis, at ang Filipinas ay labis na nagpapasalamat sa napapanahon at importanteng tulong na ito.

Read more...