Kahit wala si Kobe, Lakers wagi sa Rockets


HOUSTON — Nagbuslo si Steve Blake ng 3-pointer may 1.3 segundo ang nalalabi sa laro para tulungan ang Los Angeles Lakers na masilat ang Houston Rockets, 99-98, sa kanilang NBA game kahapon.

Lamang ang Houston ng dalawang puntos bago natanggap ni Blake ang inbounds pass buhat kay Jodie Meeks at tumira ng 3-point shot na nagbigay sa Lakers ng panalo.

May pagkakataon sana ang Rockets na magwagi sa laro bago tumunog ang buzzer subalit ang 3-point attempt ni Patrick Beverley ay tumalbog sa backboard.

Gumawa si James Harden ng 35 puntos habang si Dwight Howard ay nagtapos na may 15 puntos at 14 rebounds laban sa kanyang dating koponan.

Sumablay din si Howard sa kanyang pitong free throws sa huling 3 1-2 minuto ng laro na nakasiguro sana ng panalo para sa Houston.

Tinanggihan ni Howard ang kontratang inalok ng Lakers para pumirma ng $88 million deal sa Rockets upang makasama si Harden at ang koponang nakapasok sa playoffs nitong nakaraang season sa unang pagkakataon magmula noong 2009.

Si Meeks, na pinangunahan ang Lakers sa ginawang 18 puntos, ay tumira ng 3-pointer may dalawang minuto na lang ang nalalabi sa laro para tapyasin ang kalamangan ng Rockets sa dalawa at ikasa ang game-winning shot ni Blake.

( Photo credit to INS )

Read more...