Kadamutan ni Napoles ang nagpahamak sa kanya

WALANG nahita ang taumbayan sa panonood sa live coverage ng pag-imbestiga ng Senate Blue Ribbon Committee hearing kay Janet Lim-Napoles, ang pork barrel scam queen.

Maliban lang siguro sa mga nakakatawang sermon ni Sen. Miriam Defensor Santiago kay Napoles.

Hindi lang nagsermon si Senadora Miriam, inakusahan pa niya si Sen. Juan Ponce Enrile na mamamatay-tao kahit wala siyang batayan.

Ganyan si Miriam: Walang preno ang bibig.

Kung hindi lang kay Ma’am Miriam, baka nakakabagot o boring ang hearing ng Senate Blue Ribbon Committee.

Hindi nagsalita si Napoles, gaya ng inaasahan ng karamihan, at yung mga pinagsasabi ng mga whistleblowers tungkol sa dati nilang amo ay alam na ng publiko.

Ang tanging narinig kay Napoles ay, “Wala po akong alam,” “Hindi ko alam,” “Di ko maalala,” “I invoke my right against self-incrimination.”

Nagmukha tuloy tanga ang mga senador na nag-imbita sa kanya.

Tama si Senate President Frank Drilon na huwag nang tawagin si Napoles sa Senate hearing dahil di naman kasi magsasalita ang pork barrel queen.

Kasiraan niya kasi kapag inamin niya na totoo ang mga paratang sa kanya.

Gagamitin ang mga sasabihin niya sa Blue Ribbon Committee sa korte.

Pero gustong magpasikat nitong si Sen. TG Guingona, na chairman ng Blue Ribbon, at inayunan naman siya ng publiko.

Kaya’t napilitan si Drilon na ayunan ang mga senador na gustong magpasikat.

Kaya’t, hayun, ginawa lang silang mga tanga ni Napoles.

Sayang si Napoles.

Kahit na siya’y high school graduate lamang na galing sa Basilan, napaka-intelihente niyang tao.

Talo pa niya ang mga taong may masters o Ph.D degree sa business administration dahil di hamak na mas mayaman siya sa kanila.

Ginamit nga lang niya ang kanyang talino sa masamang paraan.

Nakinabang sana ang lipunan sa talino ni Napoles kung ginamit lang niya ito sa mabuting paraan.

Ang pagkabisto ni Napoles bilang pork barrel scam queen ay nagpapatunay lamang na there is no such thing as a perfect crime.

Malalantad at malalantad ang krimen na ginawa, lalo na’t may mga kasamahan ang mga gumawa nito.

Sa isang krimen na may conspiracy o sabwatan, may isa o dalawa na magsasalita sa darating na panahon.

Kahit na “perfect” ang pagkagawa ng krimen— halimbawa, bank robbery—may isa na “kakanta” later on.

Sa aking karanasan bilang police reporter, nasaksihan ko na nabibisto ang isang bank robbery dahil isa sa mga holdaper ay nag-akala na hindi siya nabigyan ng tamang parte at nagreport sa pulisya.

O, nagmayabang ang isa tungkol sa kanyang partisipasyon sa krimen sa isang inuman nang ito ay nalasing.

O, isa o dalawa sa gangmembers ang bumuo ng ibang grupo upang karibalin ang dati nilang grupo.

Sa labanan ng dating grupo at mga tumiwalag, nabisto tuloy ang kanilang krimen o mga krimen.

Binisto ang modus operandi ni Janet Lim-Napoles ng kanyang sariling pinsan na si Benhur Luy na kanyang ginawang assistant sa mga masamang gawain.

Sinundan si Luy ng kanyang mga kasamahan na sina Merlina Sunas, Gertrudes Luy, Arlene Baltazar, Marina Sula at Simonette Briones.

Ang pagiging maramot ni Janet Lim-Napoles ang naging dahilan ng pagkabisto ng kanyang masamang gawain.

Hindi siya marunong magbahagi ng mga perang ninakaw niya sa kanyang mga kasabwat.

Sinarili ni Napoles ang mga bilyon-bilyong perang nanakaw niya habang binigyan lang niya ng kakarampot na pera ang kanyang mga kasamahan.

Kaya’t siya’y pinagkaisahan ng mga ito at naging whistleblowers.

Read more...