Konduktor ng bus itinuring na bayani sa kasagsagan ng bagyong Carina

Konduktor ng bus itinuring na bayani sa kasagsagan ng bagyong Carina

GOOD vibes ang pasabog ng konduktor ng isang bus na na-stranded sa kasagsagan ng bagyong Carina sa Bulacan nitong nagdaang Huwebes, July 25.

Umani ng papuri at mensahe ng pasasalamat si Alfie Sta. Ana, empleyado ng German Espiritu Liner Inc. mula sa mga netizens na nakabasa sa appreciation post ni Lorelei Baldonado Aquino.

Ibinahagi ni Lorelei sa kanyang Facebook page ang ginawang kabayanihan ng konduktor nang malubog sa tubig baha ang sinasakyan nilang bus noong umaga ng July 25 sa Marilao, Bulacan.

“Appreciation post para sa kundoktor ng German Espiritu Liner, Inc. bus ng Bulacan na nasakyan namin kahapon ng umaga.

Baka Bet Mo: Ronnie Liang sumabak sa rescue mission para sa mga biktima ni Carina

“Na-stranded ang bus na sinasakyan ko sa Marilao sa gitna ng baha mga 8am kahapon. Ilang oras kaming naghintay ng rescue pero walang dumating.

“Bandang 4pm, lahat kaming sakay ay halos gutom na. More than 7 hours na kaming stranded. Lumusong yung kundoktor namin sa hanggang dibdib na baha para bumili ng tinapay at tubig para sa lahat.

“4:30pm, lumusong siya ulit at naglakad ng isang oras para humanap ng rescue. Lahat kasi ng tinatawagan namin, hindi na pwede dahil may mga ibang nire-rescue rin.

“5:30pm, mas tumaas ang tubig. May tubig na sa loob ng bus at di na rin ganon ka-stable sa loob. Apat sa amin, nagdesisyon ng lumusong dahil ayaw namin abutan ng dilim sa loob ng bus na nasa gitna ng baha.

“Imagine yung hanggang dibdib na baha, malakas na current, madumi at mabahong tubig, sinamahan ulit kami ng kundoktor, dinala pa yung mga bags namin sa balikat niya para makapagkapit-kapit kami at walang matangay ng agos,” simulang pagbabahagi ni Lorelei.

Mas lalo pa siyang humanga sa kundoktor nang hindi sila iniwanan nito hangga’t hindi nakakasakay sa truck na nagbibigay ng libreng sakay sa mga stranded na pasahero.

“Akala ko pagdating sa may mababaw, iiwan niya na kami at hahayaan na umuwi. Nope, sinamahan niya rin kami sumakay sa truck, lumusong ulit, umangkas ulit, lumusong ulit. Lol (pero pagod na pagod na pagod na kaming lahat jusko).

“Pagdating sa 7-11 Bocaue, bumili siya ng dinner para sa aming lahat. Alam ko naman na pwede yun i-reimburse sa company kinabukasan, pero yung service, and security na prinovide para sa mga pasahero is incomparable.

“Sinamahan niya kami hanggang makasakay sa bus na naghihintay sa may Wakas para maihatid kami sa Bulakan, Bulacan,” lahad pa niya.

At dahil dito, may pa-shoutout nga si Lorelei sa employer ni Alfie, “To German Espiritu Liner German-Espiritu Liner Incorporated management, please take good care sa ganitong klase ng employee.

“Hindi po namin alam kung safe kaming makakauwi if not for him. Kung anuman po ang lagay ng bus na naiwan sa baha kahapon, we’re not sure.

“Pero yung magkaroon kayo ng employee na maaasahan sa kahit anong sitwasyon ay sobrang laking asset na para sa inyong kumpanya.

“Thank you, at ingat po tayong lahat!

“Credit to Ms. Chloe Dela Cruz and sis Shoda Ladero.

“Update: Alfie Sta. Ana po ang pangalan ng kundoktor, ayon sa isang comment sa original Facebook post ni Chloe Dela Cruz,” aniya pa.

Sandamakmak na positive and inspiring comments ang natanggap ng konduktor mula sa mga netizens kasabay ng pasasalamat sa ginawa nitong kabutihan at kabayanihan.

Read more...