TULFO brothers ginagaya ni IGAN…hindi naman bagay


Ang inabot na pamba-bash ng ating mga kababayan kay Arnold Clavio nitong mga huling araw ay isang malaking paalala sa mga kahanay niyang news anchor na mikropono lang ang kanilang hawak at hindi kapangyarihan.

Oo nga’t sila ang tumitimon sa programa, oo nga’t sila ang mayhawak ng mikropono, oo nga’t sila ang tinatawag na kapitan ng barko ng show ay nangangahulugan nang meron silang pasaporteng magpairal ng magaspang na ugali sa himpapawid.

Maraming beses nang ganyan ang inuugali ni Arnold Clavio sa kanyang mga panauhin, pero ngayon lang siya natutukan ng mga kababayan natin, sa ginawang pabarubal na pakikipag-usap ng news man sa abogado ni Ms. Janet Napoles ay pinakain talaga ng apdong pagkapait-pait si Arnold Clavio ng ating mga kababayan.

Meron pang nagkomentong ginagaya raw niya ang Tulfo Brothers na sina Ramon, Raffy, Ben at Erwin, pero hindi naman bagay sa kanya, dahil ang layo-layo ng kanyang atake at itsura sa magkakapatid.

Mababait pa nga ang mga kababayan natin na nang-bash kay Arnold Clavio dahil hindi pinersonal ng mga ito ang kanyang itsura, tanging ang pambabastos lang niya sa abogadong iniinterbyu niya ang pinagtuunan ng pansin ng mga bashers niya, samantalang ang dami-daming puwedeng sabihin tungkol du’n.

Isang markadong leksiyon na ito ngayon para kay Arnold Clavio, sa susunod ay siguradong mag-iingat na siya sa pagbibitiw ng mga salita, dahil talagang hindi na naman siya tatantanan ng mga kababayan natin.

Nagpapatawa naman ang mga nakausap namin na nagsabing sana raw ay si Arn-Arn na lang ang nag-interbyu sa abogado at hindi mismong si Arnold, baka raw sakaling naging maganda pa ang pag-uusap nila ng abogado.

Igan, ingat-ingat ka na sa susunod.

( Photo credit to Google )

Read more...