Vice Ganda sa guest na may alopecia: May nagmamahal sa ‘yo

Vice Ganda sa contestant na may alopecia: May nagmamahal sa 'yo

NAGING emosyonal ang Unkabogable Star na si Vice Ganda matapos marinig ang kwento ng guest na si April sa “ExPecially For You” na may alopecia.

Ngayong Biyernes, July 19, dumalo si April sa segment bilang searchee kasama ang kanyang dating kasintahan na si Andrei.

Kwento ng dalawa kina Vice, naging maganda naman ang pagsasama ng dalawa sa loob ng 11 months ngunit nagdesisyon raw si April na tapusin ito dahil sa kanyang mga pinagdaraanan.

Isa kasing working student si April at kasabay nito ang pag-aalaga sa inang may sakit at bukod pa rito ay nagluluksa pa siya sa sa pagkamatay ng kanya ama last year.

Baka Bet Mo: Neri business partner na si Vice Ganda: ‘Para maging close kami!’

Isa rin sa malaking dahilan kaya siya nakipaghiwalay ay dahil sa pagkalagas ng kanyang buhok dahil sa alopecia.

“Wala po akong hair. Naka-wig lang po ako. Kaya nagkaroon ako ng insecurity. Baka mas deserve niya ‘yung ibang babae na hindi siya mahihirap pa,” umiiyak na kuwento ni April kila Vice.

Pagpapatuloy pa niya, “Sobrang laking impact po sa akin [ng alopecia], ‘yung insecurity ng pagkatao ko po. Parang ang baba ko po, ‘yun ‘yung tingin ko sa sarili ko. Mababa po, kasi sa sobrang dami kong problem, tapos ganito pa ako. Pero laban lang po.”

Matapos marinig ang kwento ay agad na niyakap ni Vice si April.

Dito ay ibinahagi ng host ang kanyang mga pinagdaanan nang magsimula niyang ma-experience ang pagtaas ng kanyang hairline at dahang-dahang nalagasan ng buhok.

“Noong nalalagasan na rin ako ng buhok sa stress, sobra ‘yung insecurity ko. Malayo ‘yun sa pinagdaanan niya. Ang tagal ng journey ko sa acceptance,” pagbabahagi ni Vice.

“Nakakapraning talaga ‘yan pero sa dulo, hindi siya tungkol sa buhok eh. Tungkol ‘yan sa uri ng pagmamahal na mabibigay mo sa sarili mo saka sa ibang tao. At ‘yung pagmamahal na ‘yun, bumabalik,” dagdag pa niya.

Pinalakas naman ni Vice ang loob ng dalaga at sinabing darating rin ang taong tatanggap sa tunay na siya.

“May buhok ka o wala, subukan mo lang magmahal ng sarili mo at ng ibang tao. Babalik ‘yun. At ‘yung pagmamahal na ‘yun ‘pag naramdaman mo, higit pa sahibla ng buhok na pwedeng magkaroon ang ulo.

“Sana makahanap ka ng lalaki na gusto kang yakapin kahit wala ka nang wig. Hahalikan ka kahit wala ka nang wig. Mag-a-‘I love you’ pa rin kahit wala ka nang wig. One day, someday, you will get that, because you deserve that,” sabi ni Vice.

Pagkatapos ay nagbigay ng powerhug ang mga hosts sa umiiyak na si April para pagaanin ang nadarama nito.

At para bigyan ng pag-asa at inspirasyon si April ay buong tapang na tinanggal ni Vice ang kanyang wig para bigyang lakas at kumpiyansa ang kanilang guest.

“Kung makakatulong ‘to para makakuha ng kahit katiting na kumpiyansa si April, why not? Nasa punto na ako na wala na ‘kong pake. Meron nang taong mahal na mahal ako kahit wala akong wig.

“Hindi na rin ako affected sa mga pangit na pangit sa akin kapag walang wig… May wig o wala, may nagmamahal dito ‘no. May wig o wala, may tumatanggap dito. Bukod kay Ion, mahal ako ng nanay ko, mahal ako ng mga kapatid ko. Mahal ako ni Lord,” emosyonal na sabi ni Vice.

Pagkatanggal ng wig ni Vice ay muli silang nagyakapan ni April habang umiiyak, na siyang nagpaiyak din sa ibang hosts at mga manonood sa studio.

Muli ay nagyakapan silang dalawa habang umiiyak at muling nakiisa sa kanila ang iba pang mga hosts.

Umiiyak na sabi pa ni Vice, “In time. Huwag kang magmadali, in your time. This is not for me, but for people like you. Kung makakapagbigay ako sa inyo ng kahit katiting lang na lakas, ‘di ko pagdadamot ‘yun. Para ‘to sa mga taong tulad mo.

“In time, matatanggal n’yo rin ‘yan. No pressure. In your time, kapag handa na kayo.”

Read more...