ITINAAS ang storm signal No. 4 kahapon ng hapon sa limang lalawigan sa Visayas matapos pumasok sa bansa ang supertyphoon na si Yolanda.
Itinataas ang Signal No. 4 kapag ang hangin ng bagyo ay may lakas na 185 kilometro kada oras. Ang mga lalawigan na inilagay sa Signal No. 4 ay ang Eastern Samar, Samar, Leyte, Southern Leyte at Biliran Island Signal No. 3 naman Northern Samar, Masbate, Northern Cebu kabilang na ang Bantayan island; at sa Mindanao ay ang Siargao Island at Dinagat province.
Itinaas naman ang Signal No. 2 ilang probinsiya sa Luzon — ang Romblon, Sorsogon, Albay at Burias Island; VisBohol, Negros Occidental, Negros Oriental,Aklan, Capiz, Antique, Iloilo at Guimaras sa Visayas at Surigao Del Norte, Surigao Del Sur at Agusan del Norte sa Mindanao.
Si “Yolanda” ang sinasabing pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon, ayon sa US meteorologist. Bukas ang bagyo ay inaasahang may layong 122 kilometro sa kanlurang ng Coron, Palawan at sa linggo 954 kilometro sa kanluran ng Maynila, labas na ng PAR.
PNoy nagparamdam
HUMARAP sa publiko kagabi si Pangulong Aquino sa pamamagitan ng telebisyon para magbabala sa hagupit na dadalhin ng supertyphoon.
“Tulad ng ginawa natin noong pagdating ni Pablo noong nakaraang taon, minabuti ko pong humarap sa inyo upang ipabatid kung gaano kaseryoso ang peligrong kakaharapin ng ating mga kababayan sa darating na mga araw, at upang manawagan ng bayanihan at kooperasyon,” sabi ni Aquino sa kanyang pahayag.
Nakiusap din ito sa publiko na magdasal na maging mabilis ang gagawing paghataw ng bagyong Yolanda, na ayon sa mga datos ay higit na mas malakas kaysa sa bagyong Pablo na nanalasa noong isang taon.
Pinaalalahanan din niya ang mga local government units na higit na paghandaan ang bagyo.
“Uulitin ko po: Seryosong peligro ito, at maaaring mabawasan ang epekto kung gagamitin natin ang impormasyon upang maghanda. — Inquirer, Bella Cariaso