Pinaasa lang ng ahensya

PERSONAL na nagtungo sa Bantay OCW program ng Radyo Inquirer ang isang nais mangibang-bansa bilang accountant. Gusto sana niyang makpagtrabaho sa Saudi Arabia.

Kwento niya “hired” na umano siya ng isang recruitment agency at binigyan na rin umano siya ng job offer.
Ngunit biglang nagbago ang ihip ng hangin nang sabihan siya na hindi siya ang prayoridad ng ahensiya at tanging third prioroty lang umano siya.

Masamang-masama ang loob ng aplikante hindi lang dahil sa
naunsyaming pag-aabroad kundi dahil na rin sa magaspang na pakikitungo sa kaniya ng taga-ahensya.

Inamin ng aplikante na hindi niya naipasa ang mga kinakailangang dokumento sa kanila ngunit hindi niya talaga matanggap ang mga sinabi sa kaniya ng isang babaeng taga ahensiya. Nakabababa umano nang pagkatao ang mga pasaring na ginawa nito lalo na sa tinamo niyang saksak sa katawan.

Kaagad na humingi ng payo ang Bantay OCW sa Legal Assistance Division ng POEA ang hinaing ng kababayan natin.
ipinaliwanag natin sa kanya na dahil na rin sa wala siyang pinirmahang kontrata o kasunduan sa ahensya at wala rin itong binayarang halaga sa kanila ni ibinigay na kaukulang mga dokumento, wala umanong kasong administratibo na maaaring maisasampa laban sa ahensya.

Subalit, kung nais pa rin ng aplikante na maghabol para sa danyos, iaakyat niya ang reklamong ito sa korte.
Binalikan naman ng naturang aplikante ang isa pang ahensyang nauna nitong in-aplayan, mabuti’t tinanggap siyang muli at nakuha niya ang patrabaho patungong ibang-bansa.
Hangad namin ang tagumpay mo, kabayan!

Nagpadala ng text message ang nagpakilalang avid reader ng Bantay OCW sa Inquirer Bandera.

Taga Mindanao siya at nais niyang malaman kung puwede daw bang gumamit ng pekeng pa-saporte. At kung may magsusumbong ba sa kanya kung saan man naroon ang ating kabayan, posible daw bang ma-deport ito?

Unang-una hindi dapat gumamit ng anumang pekeng dokumento gaya ng passport, lalo pa sa mga nagbi-byahe. Dahil kapag ginawa niya iyan, sakop siya ng batas ng Pilipinas at maging ng batas sa ibang bansa. At tiyak na papanagutan niya iyon.

Bukod sa kawalan ng katapatan nito sa batas ng Dios at ng tao, napakalaki ng posibilidad na kapahamakan ang magiging dulot ng kaniyang pagkilos.

Mahirap nang mapeke ang mga pasaporte ngayon, ngunit kung alam ng ating kabayan na may gumamit ng pekeng passport sa kaniyang pag-aabroad, mabuti pang dito pa lamang sa Pilipinas isumbong na niya ito.

Dahil kung malalaman din naman at may magsusumbong na fake ang kaniyang passport o iba pang mga dokumento, may mga bansang nagkukulong sa mga lumalabag sa batas na iyan, pagmumultahin ng malaking halaga at hindi na makakabalik sa bansang iyon. Blacklisted na siya.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM,Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.dziq.am.
Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700. E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...