Nasaan si Hon. Kasabwat?

TALAGANG mahirap magsinungaling. Bagaman hindi lahat ng mahihirap ay nanood sa TV o nakinig sa radyo sa testimonya ni Janet Napoles sa Senado, at meron nga silang matibay na katuwiran para hindi sumbaybayan ang palabas, meron din namang nanood at ang kanilang naunawaan ay ang pagtatanong ni Sen. Miriam Santiago.

Walang pakialam ang mahihirap kung ipapapatay si Napoles ni Tanda, ayon sa paggigiit ni Santiago. Wala silang pakialam kung mamamatay-tao ang mga politiko dahil matagal na nilang alam na ganoon nga ang mga politiko, ang mga lider na magaling umastang mapagkumbaba. Ang natatandaan ng mahihirap ay high school graduate lang pala si Napoles at, ayon kay Santiago, ay hindi niya kayang gawin ang lahat nang walang kumpas ng magagaling, ng mga nasa kapangyarihan. Hindi na bago ito dahil ito na ang naunang sinabi ng kanyang dating abogado, si Lorna Kapunan.

Ang pagkakalarawan ni Kapunan, si Napoles ay “small fry” at siya (Napoles) ang puwedeng ipain para mahuli ang “biggest fish” sa pork barrel scam. Hindi kumplikado at hindi masalimuot ang paliwanag na iyan at katanggap-tanggap at madaling maintindihan ng dumaming nagugutom sa kabila ng PDAF, DAP, CCT at 4Ps. Para kay Kapunan, hindi kaya ng isang tao, ng high school graduate, ang malaking krimen ng pambubulsa ng P10 bilyon.

Sa lawak at dambuhalang krimen, hindi kaya ng isang Napoles, o Benhur, o undersecretary, o chief of staff, o senatong, o tongresista ang malaking operasyon ng katiwalian at pagnanakaw. Alam ng mahihirap kung sinu-sino ang malalaking kasabwat ni Napoles.

Kapag idiniin at ibagsak lahat ng sisi kay Napoles, mabubulok siya sa bilangguan kung hindi magtatagumpay ang planong patahimikin siya. Kulong si Napoles at laya ang kasabwat na mga senador at kongresista. Ang sasabihin ng mga naglaglag kay Napoles: buti nga sa kanya. Iyan ang matagal na nating sinasabi: kawawa na naman ang mahihirap, kawawa na naman ang arawang obrero na pinagnakawan ng pera ng mga magnanakaw na senador at kongresista.

Binaril at napatay si SSgt. Ernesto Clemente ng mga nakamotor sa New York st., Cubao, Quezon City. Di ba’t ang Cubao ang may pinakamaraming pulis na nakatalaga sa patrolya? Nawawala ang patrolya. Teka, may mga pulis sa loob ng Gateway, Shopwise at SM.

Pero, walang nakamotor doon.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Sir, tabangi kami dito sa Hinatuan, Surigao del Sur. Ang sabi ng mga opisyal, bakwit na. Iyon pala, kanya-kanyang bakwit sa aming barangay at hindi kami tinulungan. Yan ang text sa akin ng aking pamilya at i-forward ko raw sa inyo. …6722.

Sir Lito, taga-San Benito, Surigao del Norte po ako. Kailangan namin ng malinis na tubog na maiinom. …9822.

Hindi na nagtatrabaho ang traffic czar ng Maynila na si Vice Mayor Isko. Araw at gabi ay trapik sa Kelentong.
Ang malapad na kalye ay mismong paradahan ng mga jeep, pati na sa ibabaw ng tulay. …5620.

Read more...