Target ni Tulfo by Mon Tulfo
NAGBITIW sa kanyang tungkulin si Tourism Undersecretary Vicente Romano III dahil sa kapalpakan ng “Pilipinas Kay Ganda” promotion campaign na kinopya sa Poland.
Dahil sa maraming bumabatikos sa “Pilipinas Kay Ganda” program ng Department of Tourism (DOT), napilitan ang Pangulong Noy na itabi ang programa.
Ang programa ay brainchild ni Romano kaya’t ito’y nag-resign.
Mabuti pa si Romano at may delikadesa, di gaya ng kanyang boss na si Tourism Secretary Alberto Lim. Dapat inako ni Lim ang kapalpakan ng kanyang tauhan dahil siya ang kapatas sa DOT, at siya ang nagbitiw.
Pero makapal ang mukha ni Lim at ipinasa kay Romano ang sisi.
* * *
Ang lider ang umaani ng papuri kapag naging matagumpay ang ginawa ng kanyang mga tauhan.
Kahit ang kanyang mga tauhan ang nagtrabaho at naghirap sa lider ang napupunta ang papuri. One of the privileges of a leader is to earn praises for the
successful work of his subordinates kahit na wala siyang ginawa sa tagumpay ng proyekto.
Pero kapag naman pumalpak ang proyekto, dapat ay aakuin din ng lider ang kapalpakan kahit na wala siyang kinalaman dito.
Ang tawag diyan ay “command responsibility.”
Si Secretary Lim ay hindi tunay na lider dahil wala siyang sense of command responsibility.
* * *
Ang kahanga-hanga bilang executive ay itong si Manny Pangilinan, may-ari ng PLDT and Channel 5, among many others..
Ipinakita niya sa madla ang kanyang pagiging lider nang siya’y magbitiw bilang chairman ng board of trustees ng Ateneo de Manila University dahil sa kahihiyan.
Nagbigay ng talumpati si Pangilinan, na isang multi-billionaire, sa Ateneo at siya’y pinalakpakan dahil sa magandang speech.
But after several days, may nakapagsabi na ang talumpati ni Pangilinan ay kinopya lang sa talumpati ng ibang tao.
Ang kanyang speechwriter ang kumopya ng speech at hindi alam ito ni Pangilinan.
Gayun pa man, nag-resign si Pangilinan bilang chairman ng Ateneo board of trustees.
* * *
Maraming pumupuna kay Lauro Vizconde nang kanyang pinangunahan ang Supreme Court sa desisyon sa Vizconde massacre.
Pinag-aaralan ng mataas na hukuman kung ipawawalang-sala sina Hubert Webb at kanyang mga kasamang na-convict sa Vizconde massacre, o kaya ay panindigan ang desisyon ng Paranaque Regional Trial Court sa pagpataw ng habambuhay na pagkabilanggo kina Webb.
Sinabi ni Vizconde na nangangamba siya na baka ma-acquit sina Webb.
Ayon kay Vizconde, nilalakad o binabraso ng isang justice ng Supreme Court ang kanyang mga kasamahan upang mapawalang-sala sina Webb.
Walang ipinakitang pagpapatunay si Vizconde sa kanyang akusasyon sa justice na kanyang tinutukoy na si Justice Antonio Carpio.
Hindi raw papatulan ni Carpio si Vizconde.
Dapat malaman ni Vizconde ang magbintang na walang pruweba.
* * *
Lalabas na sa kulungan si Gerardo Biong, dating police investigator ng Paranaque. Siya ang nagsunog ng kumot na basa ng dugo na nakita sa loob ng
bahay ng mga Vizconde. Sinabi niya na ginawa niya yun dahil masangsang na ang amoy ng kumot na basang-basa ng dugo at hindi niya alam na gagamitin itong ebidensiya.
Tama lang na makulong si Biong dahil sa kanyang pagnakaw ng mga gamit ng mga namatay nang siya’y unang dumating sa crime scene.
Pero wala siyang kinalaman sa pagtatakip o cover-up ng krimen dahil hindi niya kilala ni isa sa mga isinangkot sa massacre.
Ang kanyang tanging kasalanan ay kabobohan at looting the dead o pagnanakaw sa mga patay.
Bandera, Philippine news at opinion, 113010