Coney Reyes sa mga batang artista: Mahalin ang trabaho, hindi puro laro

>Coney Reyes sa mga batang artista: Mahalin ang trabaho, hindi puro laro

PINAYUHAN ng award-winning veteran actress na si Coney Reyes ang mga kabataang artista ngayon para magtagumpay at tumagal sa entertainment industry.

Binigyan ng pa-tribute ng “All-Out Sundays” si Coney nitong nagdaang Linggo bilang bahagi ng kanyang 50th anniversary sa showbiz kasabay ng Mother’s Day celebration.

Binati at binigyang-pugay ng mga Kapuso stars si Coney, kabilang na ang mga “All-Out Sundays” stars at ang mga co-stars niya sa upcoming GMA series na “Shining Inheritance.”

Ipinalabas din sa programa ang video greeting sa aktres ng kanyang mga anak at apo bilang pagdiriwang ng Mother’s Day.

Baka Bet Mo: Dina Bonnevie binalikan ang paghihiwalay nila ni Vic Sotto noon


Samantala, sa isang video na inilabas ng “All-Out Sundays” sa social media, nagbigay ng advice ang veteran at seasoned actress sa bagong henerasyon ng mga artista.

“Mahalin n’yo ‘yung trabaho n’yo, hindi puro laro. Okay maglaro, okay mag-enjoy kasi part ‘yan, dapat nag-e-enjoy ka sa ginagawa mo,” ang unang-unang payo ni Coney.

Patuloy pa niya, “Dapat mahalin kasi ‘yung trabaho, seryosohin. Learn your craft.”

Dagdag pa niya, dapat ay patuloy ang improvement pagdating sa trabaho bilang artista.

“Dapat nakikisama kayo sa lahat ng mga kasama n’yo. From the utility, all to the producers, everyone.

“Ako, mahal na mahal ko ang production staff, mahal na mahal ko ang production crew, at sana nararamdaman nila ‘yon kahit paano kapag nagtatrabaho ako.

“And, of course, I love my co-actors. Respect not just the famous ones, not just the popular big time names.

“Respect everyone that you’re working with because everyone is putting in something,” pahayag pa ni Coney Reyes.

Mapapanood na very soon ang Philippine adaptation ng hit Korean drama series na “Shining Inheritance” sa GMA. Makakasama ni Coney dito sina Kate Valdez, Kyline Alcantara, Michael Sager at Paul Salas.

Nasa cast din sina Wendell Ramos, Glydel Mercado, Aubrey Miles, Roxie Smith, Seth Dela Cruz at Charlize Ruth Reyes.

Read more...