Andrea Brillantes game na game maging ‘Dyesebel’: ‘I’m a big fan kasi!’

Andrea Brillantes game na game maging ‘Dyesebel’: ‘I’m a big fan kasi!’

PHOTO: Instagram/@blythe

KAHIT wala pang kumpirmasyon, sinabi ng Kapamilya young actress na si Andrea Brillantes na bet niyang bumida sa bagong version ng fantasy-drama series na “Dyesebel.”

Sa isang ambush interview sa naganap na media conference para sa bagong TV series na “High Street,” natanong si Andrea ng ilang reporters sa posibleng reboot ng nasabing serye.

Aminado ang aktres na interesado siya sa role at inalala pa na nakapag-audition siya sa Dyesebel noong four years old pa lamang siya.

“I’m a big fan kasi alam niyo naman na lagi akong nagsi-swimming, nagfe-freedive. So if pagbibigyan ako ng chance talaga, I would be so honored,” sey ni Andrea.

Nang tanungin naman ang young actress kung nagsisimula na siyang maghanda para sa iconic role, iginiit ng Kapamilya star na wala pa siyang ideya kung sinisimulan na ang proyekto.

Baka Bet Mo: Andrea na-stress sa Queen of Tears: Akala ko pasasayahin ako…

Paglilinaw pa niya, ang mga nakikitang pag-swimming niya ay “just for fun” lang at walang kinalaman sa nabanggit na reboot.

Kung matatandaan, taong 2022 nang kumalat ang chika na magkakaroon na ng “Dyesebel” bilang pamalit sa “Mars Ravelo’s Darna” na pinagbibidahan noon nina Jane de Leon, Janella Salvador at Joshua Garcia.

Pero 2024 na at hanggang ngayon ay wala pang inilalabas na official statement ang ABS-CBN tungkol dito.

Ang “Dyesebel” ay likha ni Mars Ravelo na siya ring nasa likod ng “Darna,” “Captain Barbell” at “Lastikman.”

Ang huling gumanap na Dyesebel ay si Anne Curtis na umere sa Kapamilya Network noong 2014. 

Nakasama niya riyan ang mga aktor na sina Gerald Anderson at Sam Milby.

Bukod kay Anne, ilan pa sa mga bigating aktres na gumanap sa iconic na karakter ng sirena ay sina Marian Rivera, Vilma Santos, at Alice Dixson.

Matatandaang sa ilang panayam noon kay Andrea ay palagi niyang sinasabi na pangarap talaga niyang gumanap na sirena.

Aniya, “Gusto ko talaga kasi nung bata ako, feeling ko sirena ako. Kinulang lang kasi ako sa buntot pero marunong akong lumangoy!”

Read more...