TINAWANAN lang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga ibinabatong alegasyon na sangkot sila ng aktres na si Maricel Soriano sa iligal na droga.
Nagsagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na pinamunuan ni Sen. Ronald “Bato” dela Risa kaugnay sa isyu ng leaked documents ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nitong Lunes, May 6, nausisa ng media si Pangulong Bongbong Marcos ukol sa isyu ngunit tawa lamang ang naging sagot nito.
Hindi naman ito ang pagkakataong nadawit sa isyu ng paggamit ng iligal na droga ang pangulo.
Baka Bet Mo: Maricel Soriano dumalo sa Senate hearing, walang alam sa leaked PDEA report
Matatandaang noong January lamang nang sabihin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nasa drug’s watch list si Marcos.
Samantala, lumabas kamakailan ang isyu hinggil sa leaked document na magkasama raw noon sina Bongbong at Maricel sa paggamit ng illegal drugs sa kanyang condo sa Makati City.
Sa naturang pagdinig ay nagbigay ng testimonya ang dating PDEA investigation agent na si Jonathan Morales tungkol sa “authenticity” ng nag-leak na mga dokumento noong 2012.
Pinabulaanan naman ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo ang naging pahayag ni Morales at sinabing “non-existent” umano ang naturang mga dokumento.