Klik Bandera “One on One”: Vice Ganda

Bandera, Philippine Entertainment Tabloid

SA kabila ng mga isyu ng pagiging mataray at paglaki raw ng ulo ng komedyante-TV host na si Vice Ganda, ‘di naman namin siya kinakitaan ng kakaibang pag-uugali at pananalita sa ikalawang pagkakataon na mainterbyu namin siya ng one-on-one.
Isang taon na nu’ng una naming upuan for an exclusive interview si Vice sa lobby ng condo unit na tintirhan niya ngayon sa Roces, Quezon City. Nagsisimula pa lang noon ang Showtime pero napansin agad ang husay ni Vice bilang hurado sa morning show ng ABS-CBN.
Sakto naman at na-assign kami na interbyuhin siya para sa one-on-one naman ng BANDERA. Very accommodating ang manager ni Vice na si Ogie Diaz at “isiningit” niya kami sa super tight na schedule ng alaga niya. Niyaya niya kami na makausap siya sa loob ng kanyang white Toyota Grandia van.

BANDERA: Ano ang plano mo pagkatapos ng matagumpay na launching movie mong “Petrang Kabayo?”
VICE GANDA: Ah, magpapahinga lang sandali, ng ilang araw. Pinagpapaplanuhan na kasi ng Viva Films ‘yung follow-up movie. Si Direk Wenn (Deramas) pa rin (ang director) pero pinag-iisipan pa rin nila. Feeling ko remake ulit ang next movie ko sa kanila.
Wala pa akong ideya kung ano talaga ‘yung movie na ire-remake. Pero parang ano, dating movie ni Dolphy. E, ang dami namang movies ni Dolphy na may bakla, e.
Ayun, tapos meron pa kasi akong pending na recording sa Viva. Na bago pa mag-“Petrang Kabayo” ‘yun ang una kong kontrata na pinirmahan, recording. Hindi ko matapus-tapos kasi nga puro Viva rin ‘yung ginagawa ko. Kaya hindi ka rin makareklamo. Ayan, tapos na ‘yung ‘Petra’, tapusin ko muna ‘yung recording.
‘Yung contract ko sa Viva Films, four movies for two years. E, nakailan na ako sa kanila? Dalawa na.

B: Saan mo balak magpahinga?
VG: Dito lang, sa bahay lang. Hindi ko na kailagang lumayo. Pahinga lang, gusto ko lang matulog nang mahaba-haba. Hindi pa ako nakakatulog, e. Laging tatlong oras. Minsan wala, diretso.
Pagkagaling ko kasi ng Amerika. Dumiretso ako ng Showtime. Lumapag ang eroplano ng alas-singko. Pumunta na agad ako sa Showtime. Diretso na ‘yun from the airport sa ABS-CBN. E, Wednesday ‘yun, pagdating ng gabi, victory party ng “Petrang Kabayo.” Pagkatapos ng victory party, rehearsals for Showtime anniversary. Dire-diretso.

B: Gaano katagal ang bakasyon mo?
VG: Days lang naman, mga four days. Sabi ko tulog muna ako ng diretso, ‘yun lang.

B: Kumusta naman ang bahay na pinapa-renovate mo?
VG: Malapit na (matapos). Sabi ng contractor, sa December lilipat na ako. Doon daw ako magpa-Pasko. ‘Yun naman ang ipinangako nila sa akin.

B: Iiwan mo na ang condo unit mo?
VG: Hindi pa. Kasi gusto ko malapit sa ABS, e. Pag may biglaang commitment, hindi na ako lalayo. Dito lang ‘yun sa may Proj. 6.

B:Ito na ba ‘yung masasabi mong dream house?
VG: Hmm… ano ba? Hindi naman dream house. Hindi naman bongang-bongga pero dream house na rin para sa nanay ko.

B: Pero may naiisip ka pang dream house mo talaga?
VG: Oo, pero hindi pa. Hindi pa talaga ‘yung dream house ang naiisip ko, e. Pagkatapos niyan (bahay sa Proj. 6) may isa pa kasi akong gustong bilhin na bahay. Pero hindi pa rin dream house. Dito lang sa QC area. Ayoko kasing lumayo sa trabaho.
Gusto kong bumili pa ng bahay kasi ‘pag lumipat na silang lahat diyan, sama-sama na silang lahat ng nanay ko, lola ko, mga kapatid ko. Palilipatin ko na silang lahat diyan para magsama-sama sila. Para hindi hiwa-hiwalay. Para ‘yung bahay namin sa Hermosa, sa Maynila, parang paupahan na lang.

B: Ano naman ang masasabi mo na one year na ang Showtime?
VG: Ang bilis! Hindi namin masyadong nadama, isang taon na. Tapos nu’ng mag-a-anniversary nga sabi ko parang mahihirapan tayo na tapatan ‘yung grand finals kasi ang bongga talaga nu’ng grand finals. Pero ‘yung nangyaring anniversary presentation kanina ibang flavor din. Iba rin. Hindi rin maitatapat, kumbaga, hindi rin maikukumpara. Magkaibang-magkaiba pero ang saya pa rin. ‘Yung fun, ‘yung sarap ng panonood, naibigay namin sa audience. Sigurado ako doon.

B: Anu-ano ba ang naibigay sa ‘yo ng Showtime?
VG: After a year, ang dami-daming ibinigay sa akin ng Showtime. Sa Tweet ko nga pagkagising ko kaninang umaga, ‘Happy birthday Showtime.’ Sabi ko. ‘I’ll be forever grateful to you for making Vice Ganda for whatever he is right now.’

B: Kung bibigyan ka ng title sa showbiz, ano sa tingin mo ang babagay sa ‘yo?
VG: Si Kris (Aquino) kanina nu’ng in-introduce niya ako sa portion ko sa anniversary presentation namin, sabi niya, The Multi-Talented Star. Masaya na ako doon.

B: Parang ikaw ngayon ang may flavor of the year ng mga kapwa mo artista. Meaning, ang dami-dami mo ngayong friends sa showbiz. Ano’ng feeling?
VG: Oo, ang dami kong kaibigang artista ngayon. Natutuwa nga ako kasi dati fan na fan ako talaga. Tapos ‘yung mga favorite ko na mga artista nagiging kaibigan ko talaga. Kaya nga sa showbiz mas marami akong kaibigan. Wala akong natatandaan na kaaway na artista, wala.
Although sa iba sabi nila mataray ako. Pero marami akong kaibigang artista na makaka-attest na ‘yung mga tsismis talagang…naloloka rin sila. Si Kris nga sabi niya, ‘Bakit ganu’n? bakit ang pangit ng mga balita sa ‘yo?’ Sabi ko, ‘Ay, hindi ko alam. Hayaan na lang natin sila. Hindi naman tayo makakapag-explain lagi sa kanila.

B:Gusto mo pa bang magkaroon ng ibang show sa ABS-CBN bukod sa Showtime kung may offer? Kakayanin mo pa kaya?
VG: Sabi ko nga kay Ogie, parang gusto ko ng ano, at least bumongga ‘yung ‘Petra.’ Ano kaya kung gawing teleserye ‘yung ‘Petra?’ ‘Di ba dati nagkaroon ng Super Inggo, Lastikman, siguro ‘yung Petra pwede tapos ‘yung comedy din? E, nasa ABS-CBN ‘yun.
Willing ako. Pero kasi sabi ko nga kahit hindi muna ako bigyan ng ABS solved na solved na ako sa Showtime. Ang bongga ng exposure na ibinibigay sa akin. Tsaka, ang fear ko rin baka kapag binigyan ako ng isa pang show baka mangarag ako nang mangarag. E, live kami ‘di ba? Talagang nakakasaid ‘yung Showtime, ‘yung pag-iisip.

B:Anong plano mo ngayong Pasko?
VG: Wala pa. Wala pa talaga. Hindi ako makapagplano kasi araw-araw meron akong ginagawa. ‘Yung pag-mall nga hindi ko na nagagawa. ‘Yung pagbili ng damit na susutin ko sa Showtime, hirap na hirap akong ayusin.
Pero ako pa rin naman ang namimili ng damit ko. Maramihan na. Pero ang bilis ding maubos kasi daily ‘yung show. Parang sabi ko nga, pagkagaling ko ng Amerika, ang dami ko na namang binili. Pero tingnan mo bukas-makalawa wala na naman akong masusuot.
Everyday kasi ang show.

B: Kung meron kang gustong matanggap this Christmas ano ‘yun?
VG: Material? Gusto ko, meron akong kotse na gustong bilhin, e. ‘Yung Montero ko nandiyan lang, naka-park lang. Hindi ko nagagamit kasi mas convenient sa akin itong Toyota Grandia na ginagamit ko ngayon. ‘Yung Montero kapag wala akong driver ‘yun ang ginagamit ko.
Meron kasing ano, ‘yung tatay-tatayan ko sa Punchline, meron siyang Cayenne. Tapos sabi niya, sa ‘yo na lang ‘to. Gamitin mo. Kapag may pera ka bayaran mo na lang sa akin.’ E, ayoko kunin. Ayoko kasi ng may utang. Pero ang ganda kasi. Parang ang ganda-ganda ko kapag nakasakay ako dito.
Ang tanga ko kasi sa kotse kaya hindi ko alam ang model. Pero kulay silver siya.
Plano para bilhin wala pa. Gusto ko lang siyang matanggap. Pero hindi ‘yung target na target ko na gustong makuha or bilhin.

B: Mayamang-mayaman ka na ba?
VG: Kanina nga, nakakatawa. Kumakain ako sa mesa namin, sabi kong ganu’n sa driver ko, ‘Iniisip siguro ng mga tao sa labas ang yaman-yaman ko.’ Sabi niya, ‘Opo, Boss. Alam nila ang yaman-yaman mo.’ ‘Alam kaya nila na ganito ang upuan na inuupuan ko ngayon?’ ‘Yung dining ko, e sira, wasak talaga ‘yung mga upuan.
Kasi kaming mga bakla, habang kumakain kami ng mga kaibigan ko, ang upo namin ginagawa naming rocking chair ‘yung silya. Kaya lahat ng upuan nasisira. Kaya sabi ko, ‘Alam kaya nila na ang inuupuan ko ay sira? Alam kaya nila na ganito kagulo ang kwarto ko? Alam kaya nilang walang hawakan itong cabinet ko?’
Oo, akala ng tao ang dami kong pera. Hindi naman ako naiiyak. Pero ang dami kong kita pero ang dami ko ring gastos. Ang dami kong kita pero parang ang dami ko ring binabayaran.
Sabi nga ng mga kaibigan ko ang sarap ng buhay namin nu’ng estudyante pa lang kami. Kahit ganu’n lang ang pera namin rampa kami nang rampa hanggang madaling araw. Pero bakit ngayon, ang dami nating kinikita pero parang ang bilis maubos? Ang bilis talaga maubos ng pera.

Bandera, Philippine Entertainment news, 111510

Read more...