“HINDI pala pasok sa panlasa, edi huwag nang bumalik! Huwag nang umulit!”
‘Yan ang naging reaksyon ng viral street food vendor na si Diwata matapos tanungin ng vlogger na si SALOMO21 kaugnay sa recent YouTube vlog ni Ogie Diaz.
Naging topic kasi ng showbiz insider ang kanyang paresan na kung saan ang chika niya ay may mga kaibigan siyang nagpunta sa tindahan ni Diwata upang tikman ang kanyang mga tinda, ngunit tila hindi raw nito nagustuhan ang pagkain.
“Ang sabi ng friend ko, parang hindi daw kasundo ng kanyang panlasa,” kwento ni Ogie sa “Showbiz Update” vlog.
Sey pa niya, “Ako kasi hindi ko pa natitikman…pero siguro maganda din na sinasabi natin ito para at least aware si Diwata na pasarapin pa lalo ang kanyang pares lalo na’t bonggang- bongga na siya. Ang daming vloggers ang nandoon halos araw-araw yata eh talagang kino-content siya.”
Baka Bet Mo: Diwata sa isyung ginagatasan daw siya ng vloggers: ‘Nakakatulong pa sila!’
Mensahe pa ng talent manager-vlogger, “Sana hindi ito hype lang at magtuloy-tuloy ang negosyo. At the end of the day, masarap pa ring makakita ng mga kapatid natin sa LGBTQ na nagiging matagumpay at hindi nagbibisyo-bisyo.”
Back to Diwata, heto ang kanyang naging sagot patungkol sa isyu, “Wala akong pakialam sa kanila. Tulad ng sinasabi ko, kung hindi niyo gusto ang pagkain ko, mag-scroll, pumunta sa ibang nagtitinda. Marami naman kami dito na nagtitinda ‘diba.”
Patuloy niya, “‘Yung sinasabi nilang hindi pasok sa panlasa, edi maghanap ka ng pasok sa panlasa…hindi masarap, edi doon ka kumain sa masarap, huwag niyo nang pahabain. Ganun lang kasimple, napaka-basic.”
“Kasi hindi ko naman siya pinipilit sa inyo kung ayaw niyo. Nagtitinda lang naman ako doon para lang sa may gusto,” dagdag niya.
Ang tanong pa niya, “Ano ang motibo? Bakit mag-hysterical pa sa social media pa ‘diba? Hindi pala pasok sa panlasa mo edi huwag ka nang bumalik, huwag ka nang umulit.”
Bandang huli, sinabi ni Diwata na patas siyang lumaban na kung saan ay hindi siya naninira ng ibang tao para lang sumikat o magkaroon ng maraming customers.
“Ako, expert ako lumaban sa totoo lang. Healthy competition ako lumaban. Ayaw ko ‘yung sisiraan pa ‘yung kabila para dumami ang customer ko. Hindi tayo ganun,” sambit niya.
Ani pa niya, “Gusto ko parehas at tsaka customer pa rin ang magdedesisyon kung saan sila gusto kumain. ‘Yun lang.”