MAINIT talaga ang debate sa lansangan tungkol sa pambihirang paliwanag ni PNoy sa National TV nitong Miyerkules ng gabi. Binaraso ng Malakanyang ang mga commercial tv stations tulad ng ABS CBN, GMA, ABC5 para ibigay sa pangulo ang 15 minuto ng kanilang primetime tv para marinig at mapanood ng sambayanan ang paliwanag nito sa mga isyu ng pork barrel, DAP at PSF at mga kasong katiwalian ng ilang mambabatas.
Merong humanga kay PNoy dahil deretsahan daw nagpaliwanag at madaling maintindihan. Meron din namang kontra at nasayang lang daw ang oras at wala naman siyang bagong sinabi.
Pero, para sa nakararami, mas maliwanag na napikon ang pangulo sa bansag na “Pork Barrel King” laban sa kanya. Pikon din siya sa mga alegasyon na nagkaroon ng nakawan sa PDAF at DAP sa kanyang panahon. Bukod sa nililihis daw ang tunay isyu rito, walang iba kundi ang pagnanakaw sa PDAF na napunta sa mga NGO ni Napoles .
Ipinagtanggol din ni Pnoy ang Disbursement Acceleration Program (DAP) at maging ang kanyang Presidential Social Fund na umano’y binabatikos din ngayon para iiwas ang atensyon ng publiko sa mga plunder cases sa PDAF. Sabi ni PNoy: Hindi ako magnanakaw.
Kung ako ang tatanungin, wala namang nagsasabing ninanakaw ni PNoy ang PDAF o DAP at Presidential Social Fund. Katunayan, dapat talagang ipakulong sina Senador Juan Poce Enrile, Jinggoy Estrada at Bong Revilla kung mapapatunayang guilty sa kasong plunder sa mga PDAF nila noong panahon ni dating Pangulong Arroyo. At kung nadagdagan ang ninakaw nila nitong panahon ni PNoy, dapat muli silang kasuhan at sentensyahan din kung guilty. Pero, hindi ba dapat lamang pabilisin din ang imbestigasyon kung nagnakaw din sa PDAF ang mga kapanalig ni PNoy?
Nagtataka rin ako kung bakit pinipilit ni PNOY na legal o alinsunod sa Saligang Batas ang DAP? Ito ba’y senyales sa Korte Suprema, na alam naman nating magsasagawa pa lamang ng oral arguments sa kontrobersyal na DAP? Bakit isinabay din ang pag-iimbestiga sa mga koneksyon ni Mam Arlene sa hudikatura? Ito ba’y pressure din sa mga mahistrado para paburan ang DAP ng Malakanyang?
Kung tutuusin, common sense na lamang ang isyu ng DAP lalot naisapubliko na ang mga opinyon ng mga legal minds sa bansa. Ang sabi nina Senador Miriam Santiago (kaaway ni Enrile) , Senador Joker Arroyo, Ateneo law dean Fr.
Joaquino Bernas at iba pa, ito raw ay isang uri ng ipinagbabawal na “fund juggling” ng Konstitusyon. Mga gastusin na kung walang approval ng Kongreso ay ituturing na ilegal.
Pero, ang sabi ng Malakanyang, hindi raw ito fund juggling kundi “savings realignment” lamang kung saan otorisado rin daw ang Pangulo na gamitin ang mga naipon o natipid na pondo ng gobyerno kahit walang approval o batas ng Kongreso.
Dalawang punto na ngayo’y pagpapasyahan ng Korte Suprema. Kapag sinabi nilang legal ang DAP, lusot si PNoy lalo na si DBM sec. Butch Abad. Kapag sinabi namang ito’y ilegal. bukod sa kahiya-hiya si PNoy, pwede pa siyang sampahan ng kasong impeachment dahil sa “culpable violation of the Constitution”.
Hindi na ako nagtataka kung bakit tila ninenerbyos ,hilo at pikon ngayon si PNoy. Paano nga kung ilegal nga ang DAP?
Para sa komento, reaksyon o tanong, i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374