Pfft. Mintis.

Ang hindi pumapansin sa hibik ng mahihirap, daraing din balang araw, nguni’t walang lingap. —Kawikaan 21:13

MAYAMAN ang Banal na Aklat, ang Biblia, sa mga berso laban at hinggil sa mapang-api sa mahihirap, sa arawang obrero.  Sa Lumang Tipan ay tila telenobelang pagsasalaysay sa pagpapalaya sa bansa, sa buong populasyon laban sa mapaniil na mga lider.

Sa kasalukuyang kasaysayan, huli na nang mapuna ni Ferdinand Marcos ang malaking pagkukulang sa mga batang-Negros, sa mga mangangalkal ng basura sa Smokey Mountain, atbp.

Lugmok na ang Pilipinas nang magising siya at wala na ang mga mamumuhunan, ang bumubuhay sa ekonomiya, ang nagbibigay ng trabaho sa milyun-milyong aba.

Nagdurugo ang Sagrado Corazon (Sacred Heart) kapag inaapi’t pinababayaan ang mahihirap (sa Kanyang araw-araw na panalangin, na kalakip sa debosyon para sa mga kaluluwa sa purgatoryo, hinihingi ang masayang kamatayan, pero malungkot na pagyao nga ang ibinibigay sa mapang-api).

Sa nalalapit na pagharap ni Janet Napoles sa yellow ribbon committee (blue ribbon ba?  Tsk, tsk tsk) sa Senado, nauna na ang Ikalawang Aquino nang agawin nito ang prime time ng telebisyon at abot-langit na ipagtanggol ang DAP ni Abad politician.

Dahil sa anunsiyo ng konseho estudyante sa Malacanang, inakala ng mga pahayagan na naggigiya at nagtitimon sa isipan ng arawang obrero’t mahihirap na heto na ang pinakaaabangan.

Pfft.  Mintis.
Hindi idinetalye ng anak nina Ninoy at Cory ang kumpletong listahan,  buung-buo hanggang sa kahuli-hulihan, ng mga proyektong pinondohan at pinagkagastahan ng DAP.

Bakit nga kaya?  Aba’y siya lang ang nakaaalam.  Bakit nga kaya?  Aba’y Abad politician din ang nakaaalam.  Bakit nga kaya?  Aba’y ang paglilihim ay nasa naglilihim lang.

Bakit nga kaya? Aba’y secret.  Lihim nga.  Nasayang at nauwi sa wala ang airtime sa prime time.  Hindi inihayag kung saan-saan ibinigay, napunta at ginasta ang DAP.

Hindi inihayag kung saan-saan napunta, at ginamit, ang pondong Malampaya.  Hindi inihayag, at kung paano ginamit, ang President’s Social Fund.

May karapatan ang basurero ng Leonel, dahil sila’y kinakaltasan din ng SSS (Social Security Service) na malaman kung paano ginagasta ang PSF dahil iyan ang nanggagaling sa basurero, sa arawang obrero, sa taumbayan.

Napakagandang pangalan, social fund, gayung ang mahihirap ay hindi sosyal at, kailanman, ay hindi nila kayang maging sosyal, na may kaakibat na paggasta sa luho.  Maluho ba si Noynoy Aquino?

Naku naman.  Hindi maluho ang mga boss.  Hindi maluho ang mga tindero ng fish ball at taho sa Pasong Tamo, Makati, pero sila ang boss dahil tinawag silang: “Kayo ang boss ko.” Muli, iginiit na ang DAP ay para raw sa kalamidad.  Ha?!

Pero, meron nang P7.5 bilyon calamity fund, P6 bilyon PSF, P1 bilyon contingency fund, “quick-response fund” (ano bang klaseng hayop yan?) ng Department of Social Welfare and Development, Department of Public Works and Highways, Department of Agriculture at Department of Education.

Kapag dinagdagan iyan ng iginigiit at ipinagmamalaking DAP, aba’y mabibigyan ng tig-P120,000 ang mga nasalanta ng bagyong Vinta sa Cagayan at Ilocos Region.

Pero, wala pang ibinibigay na tulong ang Malacanang dahil ang unang tumulong ay si Imee Marcos (huwag na ninyong punain ang kanyang sosyal na bihis dahil kaya naman niyang bumili ng mamahaling mga damit) sa pagputok ng unang araw sa silangan.

Ani Ernesto Maceda (nakapanghihinayang na hindi siya ipinanalo ng computer sa nakalipas na halalan), missed opportunity.  Sayang na pagkakataon, sa tuwirang salin para sa mahihirap at pinaghihirap na taumbayan.  Sayang?

Marami namang nasayang sa panunungkulan ng dilaw.  Nasayang ang pagkakataon na payapain ang galit ng Hong Kong, at ng buong China, nang dahil lamang sa malinaw na kapalpakan ng gobyerno para tapusing mapayapa ang hostage drama sa Luneta (saan ka nakakitang ang media ang nagtayo ng tulay para ihayag ng hostage-taker ang kanyang nais, na minasama pa ng babaing-bagsik?).

Nasayang ang mga pagkakataon na hindi na sana gigiri ang China sa South China Sea kung hindi sila hinamon, na wala namang kakayahang makipag-away sa siga-siga (iba ang siga sa siga-siga, tunghayan ang balarila).

Nasayang ang pagkakataon na madali sanang mapatitigil ang digmaan sa Zamboanga City kung agad na binuksan ang pag-uusap at pinayagan ang mga beterano sa digmaan na tapatan ang mga walang pinag-aralan sa gera; at hindi yung susunod sila sa utos ng sinasabing namalengke na wala namang bitbit na basket, o supot na plastik.

Higit sa lahat, nasayang ang pagkakataon na mula sa pagdarasal, pagtawag sa Panginoon at Diyos (hindi nga alam ang pagkakaiba ng Panginoon at Diyos, sayang, muli.

Tunghayan ang kasaysayan ni Santo Tomas) ay makakamit ang kaliwanagan ng pag-iisip, maiwawaksi ang poot sa mortal na kaaway ng pamilya, at maawa sa aba’t mahihirap.

Read more...