AS of March 28, nasa 212 na ang patay dahil sa pagkalunod sa karagatan at ilog sa buong bansa.
Ayon ito sa report ng Philippine National Police (PNP) na ipinadala sa INQUIRER.net kamakailan lang.
Base sa datos, 223 individuals ang sangkot sa drowning incidents mula pa noong nagsimula ang taong 2024.
Maliban sa 212 deaths, walo ang nasaktan at ang natitirang tatlo ay “unharmed” sa nasabing mga insidente.
Ang may pinakamaraming namatay ay mula sa Western Visayas na nakapagtala ng 28, sumunod naman diyan ang Calabarzon na may 27 at ang Central Luzon na may 20.
Baka Bet Mo: PNP nagbabala sa ‘vacation modus’, 500 katao na ang nabiktima
Nakasaad din sa ulat ng PNP na mas marami ang nalunod sa mga ilog kaysa sa mga beach, habang ang ibang drowning incidents at walang tiyak na lokasyon.
Karamihan din sa mga indibidwal na namatay ay mga lalaki na may edad mula lima hanggang 63.
Wala pang nakakalap na drowning incidents ang PNP ngayong Holy Week, pero may balita nang may tatlong kabataan ang nalunod sa mga ilog ng Cagayan at Davao del Norte.
Nauna nang inutos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa local government units (LGUs) ang pagpapakalat ng personnel upang maiwasan ang fatalities kaugnay sa pagkalunod.
Gayundin ang pag-activate ng peace and order councils noong March 22.
Ayon sa hepe ng PNP na si Gen. Benjamin Acorda Jr., nasa 7,000 police officers na ang dineploy niya sa tourist areas kagaya ng resorts at ilog upang ma-monitor ang pag-deploy ng lifeguards at para matiyak ang public safety.