Bandera Editorial: Barangay Elections na – Sino’ng iboboto mo?

Bandera Editorial

KUNG di mo alam ang mga nagaganap sa barangay mo, may problema ka.  Kung di mo kilala ang barangay chairman, dayuhan kang naninirahan sa sarili mong komunidad.
Kung di mo kilala ang barangay chairman, sa malalamang, di mo rin kilala ang mga kagawad at opisyal ng SK (sino nga naman ang makakikilala sa mga opisyal ng SK, kung wala namang ginawa ang mga ito at di naglingkod sa komunidad, kaya ayaw na ng gobyerno nasyonal sa kanila).
Kung di mo sila kilala, at sa malamang ay mga reeleksyonista sila, marahil di mo rin kilala ang mga kalaban nilang hahangad ng iyong boto sa Lunes.  Kung di mo sila  kilala, di ka nag-iisa.
Karamihan sa mga manggagawa na di nagtatrabaho sa kanilang barangay ay di kilala ang mga opisyal ng barangay.  Karamihan sa mga manggagawa na di nagtatrabaho sa kanilang barangay ay ayaw kilalanin ang mga opisyal ng komunidad, lalu pa’t disgustado sila sa pamamalakad.  Karamihan sa mga manggagawa ay ayaw ngang kilalanin ang mga opisyal ng barangay dahil garapalan ang palakasan at di naman matitino ang kanilang mga barangay tanod.
Remedyo ba ang nakatakdang halalan sa Lunes para mapalitan na ang mga opisyal ng barangay na ayaw mo?  O halos wala nang pagbabago ang mga opisyal ng barangay sa lugar mo at magagaling lamang sa salita’t pangako kapag panahon ng kampanya at kapag naluklok na ay walang ipinag-iba sa nakalipas na mga opisyal na nagsamantala lamang sa kanilang puwesto, habang nakapuwesto at kapag ipinagpapaliban ang halalan sa barangay para manatili sila sa puwesto?
Pero, eleksyon na nga sa Lunes at ang pagboto ay tungkulin ng mamamayan, kahit na nangyayari nga sa bawat eleksyon ang boycott o di nakaboto bunsod ng ilang kadahilanan.
Sino nga ba ang iboboto mo? O sasagi na naman sa iyong isipan na sayang lang ang boto mo dahil ganoon at ganoon din ang mga nailuluklok sa barangay at tila naubos na yata ang matitino?
Sino nga ba ang iboboto mo? Pero, kailangang bumoto.  Baka dahil sa boto mo ay magbago na ang iyong komunidad.

Bandera, Philippine news at opinion, 102010

Read more...