Bandera Editorial
NOONG inihayag ni Corazon Aquino ang kanyang pagkandidato laban kay Ferdinand Marcos, api na (dahil di sila kinakausap, at ayaw silang kumbidahin at palapitin tulad ng pagtitipong ginanap alas-8 ng gabi sa bahay ni Francisco Sumulong sa Antipolo, Rizal) ang tinawag na crony press. Ang media na bumabatikos lang kay Marcos ang nakakausap ni Cory.
Gayundin naman nang maging pangulo si Cory, sa tulong ng nag-alsang militar (ang mismong militar na nagalit sa kanya at ibig siyang pabagsakin sa sunud-sunod na pag-aalsa, na nagtagumpay sana kung di lang kinampihan si Cory nina Fidel Ramos, Jose Almonte at Amerika). Pahabul-habol na lang ang media at di pormal na hinaharap.
Nang manalo si Noynoy Aquino, ang media ay unang binanatan nina Armin Luistro, Edwin Lacierda, Coco Quisumbing, atbp.
Para kay Leila de Lima, mali ang coverage ng media sa Luneta hostage drama. At noong Biyernes nga, binanatan ni Aquino ang media at inakusahang pinagsasabong siya at ang miyembro ng burokrasya (oops, malapit ang baybay niyan sa bulokrasya).
“Dito po sa atin alam naman natin ang ating media, interesado sila na magkaroon ng sabong araw-araw. So, kami po ay pinag-aaway nga ng isang miyembro ng burokrasya,” ani Aquino sa kanyang mensahe sa Presidential Lingkod Bayan Awards sa Malacanang.
Sa ambush interview pagkatapos ng seremonya, muling iginiit ni Aquino ang kanyang kritismo laban sa media nang siya’y tanungin para linawin ang kanyang pahayag na “pinagsasabong” ng media.
“Bakit hindi ba?” giit ni Aquino.
Wala nang kailangang linawin pa. Masama ang media sa pananaw ni Aquino at nakapagpasya na siya sa isyu ng pinagsasabong.
At dahil sa galit sa media sina Aquino at burokrasya, di malayong may opisyal ng administrasyon na “Ondoyin” ang media ng demanda, tulad ng ginawa ni Jose Miguel Arroyo, na umatras lamang nang di inaasahan at di akalaing lumala ang kanyang sakit sa puso.
Sa kasalukuyan, wala pang natatanaw ang media ng panlalambot sa mga nanggigigil sa kanila. Wala pa, kahit di maipaliwanag na “himala” na naganap sa makapangyarihang nilalang na umatras nang dampiin.
Bandera, Philippine news, 102010