KUNG kaya ng mga lalaki, kaya rin namin!
‘Yan ang sagot ng mga kahanga-hangang mga kababaihan na nakapanayam namin ngayong ipinagdiriwang ang “International Women’s Month.”
Kamakailan lang, nag ikot-ikot ang BANDERA sa San Juan City upang kilalanin ang mga babae na nagpakita ng kanilang tapang at galing sa mga larangang dating inuukit lamang sa mga kalalakihan.
Kabilang na riyan ang mga babaeng pulis, bumbero, deliver rider, at marami pang iba.
Dahil sa kanila, nangibabaw ang “women empowerment” na lalong nagsisilbing inspirasyon sa mga babae na lalong magpursigi at ipaglaban ang kanilang kakayahan at karapatan.
Baka Bet Mo: Jennica Garcia todo flex sa nakuhang ‘lady’ driver: Ang linis ng sasakyan at mahusay magmaneho!
Unang-una naming tinanong kung ano ang pakiramdam nila bilang mga babae na may trabahong panlalaki?
“Since nasa Male Dormitory ako, hindi mawawala ‘yung discrimination natin diyan, lalong-lalo na ang mga binabantayan namin is mga lalaki. Pero gaya ng sabi ko, kung ano ang kayang gawin lalaki, kaya rin ng babae,” kwento ni JO1 Jenina David, ang CRS Officer ng San Juan City Jail Male Dormitory.
Sagot naman ng lady delivery rider na si Rosalinda Cadangan, “Kumbaga ito po kasi ang hilig ko. Talagang mag-drive ng mga motor. Tapos parang napapakita ko rin sa mga tao na ‘yung kayang gawin ng lalake, kaya ko rin gawin.”
Sey naman ni FO3 Ranelyn Marohom, ang Fire Arson Investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP), “Overwhelming po kasi kahit papaano napapatunayan namin na hindi lang talaga na ang mga babae ay pambahay. Kaya rin namin kahit sa mga ganitong trabaho ay kaya nating sabayan or kaya namin sabayan ‘yung mga lalake pagdating sa ganitong trabaho.”
“Very proud ako kasi kaya kong gampanan ‘yung trabaho ng panlalaki kahit na babae po tayo,” ani naman ni PSSg Marie Anthonette R Gollayan, ang eam Leader Station Health unit ng Eastern Police District.
Kasunod niyan, chinika ng ilan kung ano-ano ‘yung mga hamon na hinaharap nila bilang nasa linya sila ng mga trabahong panlalaki.
“‘Yung nakikipagsiksikan sa traffic tapos kapag nakikita ng mga lalaki na babae ‘yung driver, parang kina-cut nila, parang minamaliit nila,” pagbubunyag ng lady rider na si Rosalinda.
Kwento naman ni FO3 Jessa Bondoc, ang Public Information Unit officer-in-charge ng BFP, “May mga kasama po kasi akong nanay na siyempre, sinasabayan pag nasa duty po tayo. They have to be away with their family, their children minsan. Also, there’s the struggle of ‘yun nga…meron pa rin tayong limitations [when it comes] to physical capacity ng ating katawan.”
Ang mensahe naman nila para sa kapwa-babae ngayong Women’s Month:
Jessa ng BFP: “Huwag po tayong matakot. Kung may gustong pumasok sa BFP, huwag kayong matakot pumasok kasi kakayanin niyo po. Kinaya ko nga po eh. So kakayanin niyo rin po and it’s very fulfilling.”
Lady rider na si Rosalinda: “Kung ano po ‘yung hilig niyong gawin, kung ano ang gusto niyong gawin na kaya niyo naman, pwede naman. Wala naman pipigil sa inyo. Kumbaga kung ano ‘yung magiging masaya kayo.”
Marie Anthonette ng NCRPO: “Sa lahat ng mga kababaihan diyan, huwag natin isipin na may limit lang ‘yung kaya natin, keri rin nating tumayo sa sarili nating mga paa.”
Ranelyn ng BFP: “Huwag tayong papadaig sa mga lalaki. Kayang-kaya natin silang sabayan kahit papaano, hindi man sa lahat ng bagay, pero kahit papaano, kaya natin silang sabayan kahit sa mga ganitong trabaho kasi meron din naman tayong mga kayang gawin.”
Jenina ng BJMP: “It doesn’t matter kung babae o lalaki ka. As much as nagagawa mo ‘yung trabaho mo nang tama at maayos, wala ka namang sinasagasaang tao.”