DALAWANG beses na nagmintis si Carmelo Anthony at dalawang beses ding nakuha ni Tyson Chandler ang offensive rebound sa huling 11 segundo ng laban pero naitakas pa rin ng Chicago Bulls ang 82-81 panalo kontra New York Knicks kahapon sa NBA.
Tabla ang iskor sa 80-all nang pumalya ang tira ni Anthony mula 21 feet. Nakuha naman ng Knicks ang offensive rebound at agad na nabigyan ng foul si Chandler, may 10.8 segundo pa ang natitira sa laro.
Nagmintis si Chandler sa una niyang free throw ngunit naipasok ang pangalawa para sa 81-80 kalamangan.
Sa sumunod na play ay ipinasa ni Jimmy Butler ang bola kay Derrick Rose na umiskor ng floater sa harap ng matinding depensa mula kina Chandler at Raymond Felton para maagaw ng Bulls ang kalamangan may 5.7 sandali pa ang nalalabi.
Muling nagmintis si Anthony mula sa three-point area at muling nakuha ni Chandler ang rebound ngunit hindi pumasok ang kanyang tip-in sa pagtunog ng final buzzer.
Ito ang unang panalo ng Bulls na nabigo sa opening game nito kontra Miami Heat noong Miyerkules.
Si Rose ay tumapos na may 18 puntos habang si Luol Deng ay may 17 puntos para sa Chicago.
Nagdagdag din ng 15 rebounds si Joakim Noah at 11 puntos at 10 rebounds si Butler.
Ang Knicks naman ay pinangunahan ni Anthony sa kinamadang 22 puntos habang si Chandler ay umani ng pitong puntos at game-high 19 rebounds.
CLIPPERS 126, WARRIORS 115
Sa Los Angeles, nagpasiklaban ang dalawa sa pinakamahusay na point guards ng liga na sina Chris Paul at Stephen Curry.
Sa huli ay nanaig ang Clippers ni Paul na bumawi mula sa 103-116 kabiguan sa opening day game nito kontra Lakers.
Nagtapos si Paul na may 42 puntos, 15 assists at 6 steals.
Nagdagdag naman ng 23 puntos at 10 rebounds si Blake Griffin at 9 puntos at 17 rebounds si DeAndre Jordan.
Ang Warriors ay pinangunahan ni Curry na humataw ng 38 puntos at 9 assists. Tinulungan siya ni David Lee na may 22 puntos sa laro.
Si Klay Thompson, na gumawa ng 38 puntos kontra Lakers nitong Huwebes, ay umiskor ng 10 puntos kahapon.