Resbak ni Jinggoy, Bong: Hindi rin kami magnanakaw

 

BANDERA LUZON NOVEMBER 1, 2013

IGINIIT nina Senador Jinggoy Estrada at Ramon “Bong” Revilla na gaya ni Pangulong Aquino ay hindi rin umano sila nagnakaw sa kaban ng bayan.
Ginawa ng dalawa ang reaksyon matapos ang televised address to the nation ni Aquino kamakalawa ng gabi, na mariin na nagpahayag na hindi siya magnanakaw.
“Ako naman po suportado po ako sa mga sinabi nya hahabulin nya yung mga nagsamantala sa kaban ng bayan. Ako’y kaisa nila. Kaisa ako ng gobyerno nyo nya sa paghahabol ng magnanakaw sa ating gobyerno,” pahayag ni Estrada sa isang radio interview.
“Sapagkat ako kahit akoy nasangkot sa diumanoy PDAF scam, gusto ko pong sabihin sa inyo na kahit kailan hindi ako nagnakaw sa kaban ng bayan,” giit pa nito.
Kapwa isinasangkot sina Estrada at Revilla kasama si Senador Juan Ponce Enrile sa P10 bilyon pork barrel scam.
Naniniwala naman si Estrada na hindi siya ang pinatutungkulan ni Aquino na merong ilan na siyang gumugulo sa isyu ng pork barrel sa pamamagitan nang paglalantad naman ng  sinasabing kontroberysal na pondo ng  Disbursement Acceleration Program (DAP).
Sa katunayan, ayon pa sa senador, ay hanggang ngayon ay itinuturing niyang kaibigan ang pangulo.
“Alam mo si Pangulong Aquino kaibigan ko naman yan at until now, I consider mytelf as an ally of this administration. I’m very supportive of all his legislative agenda…” paliwanag ni Estrada.
Gaya ni Estrada, nanindigan din si Revilla sa pamamagitan ng kanyang abogado, na hindi niya ninakawan ang taumbayan.
“Hindi ako magnanakaw at wala akong ninakaw sa kaban ng bayan,” ayon kay Revilla sa isang text na ipinadala ng kanyang abogadong si Joel Bodegon.
“Handa ako at haharapin ko ang anumang imbestigasyon upang linisin ko ang aking pangalan sa mga kasinungalingan laban sa akin,” dagdag pa nito.
Iginiit din ni Revilla na sakabila nang pagtatanggol ni Aquino sa DAP, hindi anya maitatanggi na ito ay pork barrel din.
“The DAP is presidential pork and that is a fact,” anya pa.
“The President’s explanation on DAP raised more questions than answers. No senator or congressman knew about the DAP. It did not pass through Congress. Then too, he did not know that the DAP was used in the impeachment of Chief Justice Renato Corona,” paliwanag pa ni Revilla.

Read more...