NAPAKA-OPEN na ni Charice sa pagsagot sa mga questions na binabato sa kanya ng entertainment press during the press conference ng kanyang benefit show para sa mga biktima ng lindol sa Bohol titled “One Voice” sa Resort’s World on Nov. 5, Tuesday.
Kung meron man siyang ‘di gusto na tanong, she will be off to give an answer very politely. Dahil diyan, super love na talaga ngayon ng local entertainment writers ang international singer.
“Dati kasi parang kailangan lagi ako mag-ingat sa lahat ng sasabihin ko. Kapag may magtatanong sa akin kailngan, alam ninyo ‘yun, iisipin ko muna? Ngayon, ano e, parang laging sinasabi wala na akong kailangang itago.
Parang hindi ko na kailangan sabihin pa na, ‘No, I can’t say this, I can’t say that’ kasi wala na, e. Alam na ng lahat ng tao, ‘yung nag-iisa kong sikreto na tinago ko for how many years,” umpisa ni Charice.
Kita naman na sobrang happy ngayon si Charice. At kung meron daw makakapagpagalit sa kanya ‘yun ay kapag may nagtatanong o hinahanap sa kanya ang Mommy niya.
“E, alam naman nila ang sitwasyon, alam ninyo po ‘yun? Para kasing nakaka-disrespect sa akin. Kahit hindi ko kilala ‘yung nagtatanong sa akin.
Kasi, parang, ‘Ano ‘to? Hindi ba siya nanonood ng TV?’ Ha-hahaha! ‘Yung iba kasi mapi-feel ninyo na wala talagang alam. ‘Yung iba parang nananadya lang.
“So, minsan, sasabihin pa sa akin, ‘E, bakit? Bakit hindi ikaw tanggap?’ Gusto kong sagutin na, ‘Gusto mo sagutin ko ‘yan? Halika’t mag-hotel at maupo muna tayo’t mahaba ang pag-uusapan natin.’
“Kasi talaga, ‘wag lang i-involve ‘yung family ko. Okey lang i-involve ang family ko kung okey ‘yung tanong, kung okey ‘yung sasabihin. Pero kung ‘yung medyo nang-iinsulto, ‘yun po talaga.
Buti nga walang lumalabas na video na medyo…mang-aaway ulit ako, e. Joke!” kasunod ang matipid na tawa ni Charice.
Kaya nga raw kung merong “one voice” na gusto niyang marinig na bumati sa kanya sa nalalapit na Pasko, definitely, it’s her mom.
Mas bongga nga kung sosorpresahin ng ina ni Charice ang kanyang anak sa benefit show nito na “One Voice” sa Resort’s World.
And speaking of “One Voice,” special guest ni Charice sa benefit show na ‘to ang girlfriend niya na si Alyssa at front act naman niya ang bagong all-girl group ng Bellhaus Entertainment, ang Sassy Girls.
Iniisip ni Charice kung magdu-duet ulit sila ni Alyssa sa concert na ‘to. Nagawa na raw kasi nila ‘yun sa last concert niya na “Power of Two.”
“Iniisip ko magsolo naman siya because I want the people to see na magaling siya,” proud na sabi ni Charice. Dahil usap-usapan ang same sex marriage ng direktor na si Jun Lana at executive ng TV5 na si Perci Intalan sa Amerika, tinanong din si Charice kung may plano rin ba siyang pakasalan si Alyssa.
Ayon kay Charice meron silang plano pero hindi pa raw ito mangyayari very soon. Paulit-ulit namang sinabi ni Charice na si Alyssa na nga ang babae para sa kanya.
“Hindi ko siya first (girlfriend). Hindi ko sasabihin kung ilan. Siya lang ‘yung nalaman ng tao kaya sinabi ko na she’s the one. First ko nu’ng, 13 (years).
Twelve ako nag-join sa Little Big Star. Basta sa akin po kaya alam ko na she’s the one kilala na niya ako, kilala ko na siya dahil best friends kami dati.
Nakilala ko po siya 10 years old ako, nine years old po siya. Doon pa lang, crush-crush ko na siya. Hindi niya alam.”Sinabi ko lang sa kanya last year.
Noon ko pa alam na she’s the one kasi sa kanya lang ako nagkalakas ng loob na maging open and to let everyone know about us. Kumbaga, kung ganoon ka-strong ‘yung love ko sa iba, I would have done it before.
Pero sana talaga,” dasal ni Charice. Katatapos lang ng anniversary nila ni Alyssa last week kung saan sinorpresa nga niya ang girlfriend ng isang trip sa Bohol.
Matagal na raw kasing pangarap ni Alyssa ang makarating sa Bohol. After their celebration sa Bohol, nangyari na nga ang lindol doon. Kaya naman naisip ni Charice na mag-benefit show para sa mga taga-Bohol.
“Ngayon po magiging busy ako sa world tour. April magsisimula ang tour. Title? Self-titled po. ‘Charice, Live on Tour’, charos! Dadalhin sa US kasi sobrang naghahanap na rin ng concert ‘yung mga Chasters sa US.
Importante sa LA kasi diyan din ako matagal hindi nakapag-show. “Basta ang focus namin ngayon world tour. And dito po, gusto ko pong gumawa ulit ng bagong album.
But since po ‘yung last na ginawa ko puro mababagal (na songs), this time, I’ll do something different. Parang ‘Pyramid’,” lahad niya.
( Photo credit to Google )