Mga Katoliko di sumusunod sa Simbahan

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

LALONG umiinit ang bangayan ng Simbahang Katolika at ni Pangulong Noy sa isyu ng family planning.
Sinabi kasi ni P-Noy na dapat bigyan ng laya ang mag-asawa na makapamili ng paraan ng family planning gaya ng paggamit ng condom at pills.
Ipinagbabawal ng Simbahan ang paggamit ng condom at pills at gusto lang nito ay ang rhythm method at sexual abstinence para sa pagplano ng pamilya.
Sa totoo lang, mahirap sundin ang ipinagagawa sa mga Katoliko ng kanilang simbahan.
At sa totoo lang din, kakaunti ang mga babaeng may asawa na Katoliko na sumusunod sa utos ng kanilang simbahan.
Sa aking palagay ay hindi titinag ang Pangulo sa kanyang paninindigan na dapat hayaan ang mag-asawa na piliin ang family planning method na gusto nila na walang pakialam ang simbahan.
Nananawagan ang Simbahang Katolika sa bansa na magsagawa ng kilos protesta ang mga miyembro nito upang ipadama sa Presidente ang alituntunin ng simbahan.
Pustahan tayo, kakaunti ang dadalo sa kilos protesta kapag itinuloy ito.
Karamihan sa mga Katoliko ay liberal ang pag-iisip at hindi sumusunod sa kanilang simbahan kapag ang pinag-usapan ay politika at kanilang kapakanan.
Kailan ba nanalo ang isang kandidato na puspusang ikinampanya ng Simbahang Katolika?
* * *
Rumesbak si Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson kay Sen. Miriam Defensor-Santiago sa akusasyon ng senadora na jueteng lord ang gobernador.
Ginawa ni Santiago ang paratang sa kanyang privilege speech sa Senado.
Sinampahan ni Chavit si Miriam ng kasong unexplained wealth sa Office of the Ombudsman.
Sinabi ni Singson na ang bahay ni Santiago sa La Vista subdivision ay nagkakahalaga ng P100 million.
Ang mansion ay di kayang tustusan ng sweldo ng senador, ani Singson, sa kanyang sweldo na P43,000 a month.
Sinabi rin ni Singson na isang negosyante ang nagsampa ng kasong theft laban kay Santiago dahil kinuha niya ang isang Toyota Sports car na naka-impound sa Bureau of Customs.
Ang asawa kasi ni Miriam na si Jun Santiago ay dating nagtrabaho sa customs bureau.
Pero ang mas grabeng paratang ni Singson kay Santiago ay ang paghaharang daw niya ng imbestigasyon tungkol sa pagkamatay ng kanyang anak ilang taon na ang nakararaan.
Nagpatiwakal daw ang anak ni Miriam, pero di nito pinayagan ang mga pulis na mag-imbestiga at biglang inilibing na lang ang bangkay.
Mahirap na magparatang sa iyong kapwa kapag ikaw ay may mga itinatago ring mga bulok sa iyong aparador.
Ang mga paratang ni Singson kay Santiago ay mga valid issues.
Kailangan niyang sagutin ang mga ito dahil baka maniwala ang sambayanan sa mga paratang kapag di niya binigyan ng paliwanag ang mga ito.
Nakapanayam ng inyong lingkod si Singson sa aking programang TNT sa Radyo Inquirer kahapon.
Pero umayaw na ma-interview namin ni Reysie Amado, ang aking co-host, si Santiago dahil meron daw siyang sakit.
* * *
Kailangang mahuli ang mga taong responsible sa pagbato ng granada sa kumpol ng mga law students sa labas ng De la Salle University sa Taft Ave,, Manila, kung saan idinaos ang bar examinations.
Dalawang babaeng law students ang naputulan ng paa at marami pang iba ang nasugatan dahil sa pagsabog ng granada.
Ang karumal-dumal na krimen ay dapat mabigyan ng solusyon agad.
Sa ngayon, ang mga suspects ay mga miyembro ng fraternity ng mga law students.
Kung ito’y totoo, masamang dagok sa reputasyon ng law profession ang ginawa ng mga taong ito na aspiring lawyers.

Bandera, Philippine news at opinion, 093010

Read more...