Mga Laro sa Huwebes
(Ynares Sports Arena)
12 p.m. Zambales M-Builders vs Wang’s Basketball
2p.m. Arellano University vs Hog’s Breath Café
4p.m. Cebuana Lhuillier vs Café France
NAGPATULOY ang magandang paglalaro ni Don Trollano pero kinailangan pa rin ng Cagayan Valley ang tulong mula kina Mark Bringas at Kenneth Ighalo para maitakas ang 91-87 panalo kontra Zambales M-Builders sa 2013-14 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Arellano Gym, Maynila.
Nagbuslo ng jump shot si Bringas at sinundan ito ng dalawang free throws mula kay Ighalo para makuha ng Rising Suns ang panalo.
Nauna rito’y tumabla ang Zambales sa 87-all mula sa tres ni Roger Pogoy may 5.9 segundo pa ang nalalabi.
Nagtala naman ng career-high sa scoring si Trollano kahapon. Sa unang laro ng koponan ay umiskor siya ng 22 puntos at kahapon ay gumawa siya ng 27.
Si Ighalo naman ay nagdagdag ng 20 puntos para sa tropa ni Cagayan coach Alvin Pua na kasalukuyang nasa tuktok ng standings sa 2-0 baraha.
Ang panalo ng Cagayan ang kumumpleto sa pamamayagpag ng mga datihang koponan sa liga laban sa mga baguhan matapos tambakan ng Jumbo Plastic at Boracay Rum ang NU-BDO at Derulo Accelero kahapon.
Umiskor ng 25 puntos si Jopher Custodio upang pangunahan ang Jumbo Giants ang 76-56 panalo sa BDO-NU Bulldogs.
Humirit naman ng 86-59 panalo ang Waves laban sa Derulo Accelero.