‘Ganito lang po ang itsura ko, pero hindi ako masamang tao!’


Handa nang maging ina at ama ang magdyowang Melai Cantiveros at Jason Francisco. Sweet na sweet na humarap ang dalawa sa presscon ng bagong Primetime Bida series ng ABS-CBN na Honesto kung saan gaganap silang mag-asawa.

Alagang-alaga ngayon ni Jason si Melai dahil nga medyo delikado ang pagbubuntis nito. Pero aniya, malakas na raw ang kapit ng bata sa sinapupunan ng kanyang ina.

Sey pa ni Jason, pareho nilang gusto ni Melai ang magka-baby na, “Kasi sa PBB (Pinoy Big Brother) pa naman, kung 25 na kami go na kaso nag-break kami ng isang taon. Hindi kasi alam ng tao na nagbalikan na kami.

“Sa bahay ko na nga sila nakatira na sobrang tagal, ilang months na halos a year din so hindi na lang naming ipinaalam na nagkabalikan na kami kasi kung may plano na kami, kasi di ba pag artista ka, mas maigi na malalaman nila in the future at least good news hindi yung pag-uusapan nila na nagkabalikan na naman kayo. Same questions, same answer.

So ang maigi ito bago talaga, good news at new life na,” anito. Hirit pa ng komedyante, “Siyempre tinanong ko siya kung gusto rin niya magka-baby na, hindi ko naman yan basta didiligan, so ang inisip ko kung ready na siya, ready na ako tapos yung mga responsibility niya sa parents niya medyo smooth na para ready na sa family namin.

“Sa totoo lang, unang-una pinaghandaan naman talaga na mabuo yan, three months nga ginawa eh. Ngayon hindi ko pa maiano yung feelings ko, parang minsan tinatanong ko na lang sa sarili ko kung ano yung puwede kong gawin para maging isang mabuting ama at asawa,” paliwanag pa ni Jason.

Dedma lang siya sa ilang  kaibigan ni Melai na may duda kung keri na niyang bumuhay ng pamilya, “Hindi kasi nila ako kilala, sila puwede nila sabihin kung ano gusto nilang sabihin, kumbaga sa totoo lang nag-react sa kanila yung parents ko sa province kasi daw bakit tayo lahat masaya tapos sila ganu’n.

“Sabi ko hayaan na lang natin sila kasi hindi rin naman nila ako kilala, hindi naman ako close sa kanila. Yung itsura ko ganito eh. Pero hindi ako ganu’n,” chika pa nito.

“Sabi ko nga dalawa na lang yung bubuhayin ko ngayon eh kumbaga ilang pamilya ko natulungan ko, tatlo yang pamilya. Kumabaga nakatulong ako sa kanila, sa aking mga pamangkin kahit paano, so hindi nila yun alam.

Ngayon dalawa lang pero imagine mo ilang family yung sa akin, eh hindi pa ako artista naitaguyod ko yun,” ani Jason.
Tuloy na ang kasal nila sa December sa General Santos City.

( Photo credit to Google )

Read more...