Biological o adopting parents: Sino ang may karapatan?

DEAR Atty.:

Ampon po ako. Nalaman ko po ito nang 13 years old na ako.

Mahal ko po ang mga magulang ko na siyang nag-aruga sa akin simula nung baby po ako hanggang ngayon.

Ang tunay ko pong mga magulang (biological parents) na nasa US ay kapatid po ng mama ko. Babawiin na daw nila ako kasi wala raw mag-aalaga sa tatay ko (na may sakit). Ayaw ko pong iwan ang mga magulang ko ngayon. Tama ba ang gagawin nila?

Ano po ba ang pwede kong gawin para di nila ako mapilit. Sixteen years old lang po ako. – Kimmy, Baguio City

Dear Kimmy:

Ang salitang “ampon” ay isang teknikal na proseso na pagpapawalang bisa ng parental authority ng isang ama at ina (biological parents), at ang pagbibigay ng parental authority sa “adopting parents.”

Itong proseso na ito ay isang petition for adoption na dinidinig sa korte kung saan nakatira ang bata.

Sa iyong kaso ay hindi mo naikwento kung ang pagkakaampon sa iyo ay sumailalim sa legal adoption procedure sa korte.

Kung oo, wala nang karapatan ang inyong tunay na nanay at tatay o ang iyong mga biological parents.

Kung hindi naman, ibig sabihin ay meron pa ring parental authority ang inyong tunay na nanay at tatay.

Maari kang i-petisyon for immigration sa United States habang ikaw ay menor de edad.

Kailangan na ma-grant ang inyong petition for immigration sa United States bago ka mag-18 years old.

Ang petition for immigration ay maari lang ma-proseso ng United States kung US citizen ang nanay na nagluwal sa iyo. — Atty.

Dear Atty.:

Nagpapasalamat po ako nang mabasa ko ang column n’yo. Magpatulong po sana kami sa inyo. Sa isang ospital dito sa Maynila ay nagkamali sila sa kanilang operasyon tapos ngayon kami ang pinagagastos ng mga gamot.

Sana’y matulungan ninyo kami sa kung sino ang tatakbuhan namin at anong legal na proseso ang gagawin namin? Maraming salamat po. – Luz Singuit, Palinpinon, Valencia, Negros Oriental, ….0150

Dear Luz:

Kung alam ninyo ang pangalan ng doctor, maaari siyang ihabla sa Professional Regulation Commission sa Maynila para matanggalan ng lisensya.

Mag-apply kayo ng certified true copy ng “medical abstract” o isang dokumento na nagsasaad ng mga diagnostic (halimbawa ay X-ray), operation o surgery at mga gamot na ininom ng pasyente.

Maari ring magsampa ng kaso sa korte kung saan matatagpuan ang ospital.

Ilista ang lahat ng mga gamot na ininom at kung magkano ang bawat isang piraso ng gamot at maaari itong ma-reimburse o masingil sa ospital. Maganda kung naitabi mong lahat ng inyong mga resibo. — Atty.

Read more...