Target ni Tulfo by Mon Tulfo
NOONG Linggo ang unang anibersaryo ng malawakang pagbaha sa Metro Manila at ibang mga lugar sa Luzon dahil bagyong “Ondoy.”
Bumagsak ang isang-buwang ulan sa Metro Manila at ilang parte ng Luzon ng anim na oras na tuloy-tuloy.
Dapat ay natuto na tayo sa leksyon ng Ondoy: Huwag nating abusuhin ang Inang Kalikasan dahil babalikan tayo nito.
Pero matigas ang ulo ng Pinoy, hindi ito natuto.
Balik sa dating gawi ang mga Pinoy. Itinatambak pa rin ng Pinoy ang kanyang mga basura– lalo na ang mga plastic– sa mga dagat, ilog, canal, sapa at estero.
Walang habas na pinuputol niya ang mga punongkahoy sa mga kagubatan at kabundukan.
Kailan kaya tayo matututo?
* * *
Dapat malaman nating mga Pinoy na gumaganti ang Inang Kalikasan sa ating pagmamalabis sa kanya.
Kung ano ang iyong ipinundar siya mong aanihin. Kung basura ang itatapon mo sa karagatan at mga ilog, sapa at estero, basura rin ang babalik sa iyo sa pamamagitan ng baha.
Ganoon din ang pagputol ng mga punong kahoy sa mga kagubatan at kabundukan. Malalaking baha at landslide ang igaganti ng mga kabundukan at kagubatan.
Ang ugat ng mga punongkahoy ay nagsisipsip ng tubig ulan sa kabundukan at kagubatan. Kapag wala nang mga punongkahoy, wala nang mga ugat na sasalo ng tubig-ulan at ang resulta ay pagbaha at pagguho ng lupa galing sa bundok.
Di ba sapat na leksyon ang Ormoc Tragedy noong 1991 kung saan libu-libo katao ang namatay nang biglang rumagasa ang baha galing sa kabundukan? Kalbo na kasi ang bundok ng Ormoc.
Di ba sapat na leksyon ang nangyaring pagguho ng lupa sa Guinsaugon, Leyte mga ilang taon na rin ang nakararaan?
Di pa ba sapat ang malawakang pagbaha sa Metro Manila at ilang parte ng Luzon dahil sa Ondoy?
Kailangan bang kumitil ng milyon-milyong tao dahil sa sakuna gawa ng kalikasan upang tayong mga Pinoy ay matuto?
* * *
Tinatanong nina Senators Loren Legarda at Jose Miguel Zubiri kung saan napunta ang P12 billion na para sa repair and rehabilitation of areas na nasalanta ng Ondoy.
Nakapanayam ko si Senator Zubiri kahapon sa aking programang TNT sa DZIQ (990 AM), at sinabi niya na ang nagastos pa lang ay mga P4 billion.
That means, P8 billion pa ang hindi accounted for.
Saan ginastos ang P4 billion? Sabi ni Zubiri sa road-building sa mga lugar na di nasalanta ng Ondoy!
Susmaryosep! Kung ganoon, kinurakot na ni Gloria at kanyang mga alipores ang perang P8 billion!
O kaya at ginasta sa mga bagay na di konektado sa Ondoy.
Talagang sa pangungurakot, pumapangalawa si Gloria Macapagal-Arroyo kay Ferdinand Marcos.
* * *
Ngayong araw, Martes, idaraos ang 100-anibersayong kaarawan ng isang Macapagal na hindi magnanakaw.
Si Diosdado Pangan Macapagal, ang ika-9 na naging pangulo ng bansa, ay ipinanganak noong Sept. 28, 1910 sa mga magulang na naghihikahos.
Noong bata pa si Cong Dadong—yan ang bansag sa kanya ng kanyang mga kababayan sa Pampanga—nakakakain lang sila kapag nakahuli sila ng palaka at isda sa ilog na malapit sa kanilang kubo.
Nag-aral siya ng abogasya sa Maynila at noong 1936, siya’y naging Bar topnotcher.
Noong siya’y naging mambabatas, gumawa siya ng mga batas na tumulong sa pag-angat ng buhay ng mahihirap.
Noong siya’y naging pangulo, inalis niya ang tenancy system at ipinasa niya ang Agricultural Land Reform Code of 1963 na naging batayan ng Comprehensive Land Reform Law (CARL).
Ang CARL ang naghati-hati ng malalawak na lupain ay ibinigay ito sa mga kasama o tenants.
Binansagan si Cong Dadong na “Poor Boy from Lubao,” “Champion of the Common Man,” at “The Incorruptible.”
Sayang at hindi ginaya ng kanyang anak na si Gloria ang kanyang pagiging incorruptible.
Bandera, Philippine News at opinion, 092810