PINAGHARIAN ng Ateneo de Davao University ang Mindanao qualifying leg ng 2013 BEST Center SBP-Passerelle Twin Tournament na nagtapos nitong weekend sa Almendras Gym, Davao City para makakuha ng silya sa national finals na itinakda sa Nobyembre 23-24 sa Pampanga
Tinisod ng ADDU Blue Knights ang Holy Trinity College ng Gen. Santos City, 60-46, para magkampeon sa Passerelle division (12-14 years old) at tinalo ang Xavier University ng Cagayan de Oro City, 54-43, para makuha ang titulo sa Small Basketeers of the Philippines (9-11 years old).
Tumira ng buzzer-beating undergoal stab ang 13-anyos na 6-footer na si Joshua John Barrientos para ibigay sa Ateneo ang 10-9 kalamangan sa pagtatapos ng first period.
Matapos ito ay humarurot na ang Ateneo na naghulog ng 15-0 bomba sa pangunguna nina Lance Carr at point guard Leonardo Rafael Francisco na sumungkit ng limang steals sa second quarter.
Sinubukan ni Prince Alexis Etrata na i-rally ang Holy Trinity sa fourth period pero napanatili ng Ateneo ang kalamangan sa tulong nina Paolo Coquilla at Dariel Manliguez na nagsanib para gawin ang huling 11 puntos ng koponan.
Si Coquilla ay nagtapos na may 12 puntos para sa Ateneo habang ang HTC ay pinangunahan ni Etrata na may game-high 22 puntos.
Tinalo naman ng Claret School of Zamboanga ang Sacred Heart of Jesus Montessori ng Cagayan de Oro, 60-42, para makuha ang ikatlong puwesto ng torneong inorganisa ng Basketball Efficiency and Scientific Training (BEST) Center at sinusuportahan ng Milo at RCBC Savings Bank.
Sa SBP event, ibinuhos ni Alfonso Labao ang lahat ng kanyang 18 puntos sa third period at gumawa naman ng 14 si JC Adona para tulungang makabalik ang Ateneo sa SBP national finals.
Ang Xavier ay pinangunahan nina Javier Paras, Justin Joeshua Eyog at Jay Ericson Jao-Jao na umiskor ng 13, 12 at 10 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Binigo naman ng Western Mindanao State University ng Zamboanga ang Notre Dame of Dadiangas University ng GenSan, 56-45, para makuha ang ikatlong puwesto.