Huwag kang bobotante

HAY, sa wakas ay natapos na rin ang siyam na araw na kampanya para sa halalan sa barangay ngayon.  Pero, iyan ang akala mo.

Ang kampanya ay hindi natatapos sa araw na iniutos ng Commission on Elections, na, para sa kasalukuyang pamunuan, ay dumanas ng sunud-sunod sa semplang sa mataas na hukuman (ituring na lang natin silang mga opisyal, bagaman nagkabali-bali at nakahihiya na sila sa kasesemplang dahil wala tayong magagawa sa naghirang sa kanila).

Tulad ng mga lokal at pambansang kampanya sa halalan, sa bisperas at sa mismong araw ng halalan din ay nagkakalaglagan. Mismong ang yumaong si Ramon Mitra ay hindi makapanilawa na inilaglag siya ng kanyang mga pinagkatiwalaan.

Mismong si Jose de Venecia Jr., ay inilaglag din ng kanyang mga inalagaan sa mga lalawigan.  Mismong si Manny Pacquiao ay hindi rin makapaniwala na inilaglag siya ng kanyang dikit na mga katoma sa General Santos City nang tumakbo siya pagka-alkalde.

Ngayon ay hanapin natin si Vote Wisely.  Sino nga ba siya?  Matagal na siyang binabanggit, at tinatawag, sa araw ng halalan (at sana’y hindi hangalan na naman).

Kahit hindi natin siya kilala, puwede naman natin siyang tularan.  Huwag na sana tayong maging bobotante (bobong botante).  Dahil sa pagiging bobotante sa nakalipas na mga eleksyon, ibinoto ng karamihan ang inakala nila’y magagaling dahil sila’y mga artista, mayayaman, mga sikat, matatalino, anak ng dating mga pangulo, kulay dilaw, pula, puti, luntian, asul, atbp.

Ngayon ay iboboto natin ang punong barangay at mga kagawad at wala nang ibobotong Sangguniang Kabataan (purihin ang administrasyong dilaw dahil hindi na nila pinayagang tumakbo ang kabataan na ipinahiya si Jose Rizal dahil hindi pala sila ang pag-asa ng bayan.

Kung bakit sila nagkaganyan ay dahil din sa matatandang magnanakaw ng pera ng taumbayan).  Ang pansin ay nasa punong barangay.

Hindi dapat sila katulad ng nakalipas na kapitan, kung dapat na ngang palitan ang nasa puwestong nagpayaman, nagnakaw at nagsamantala sa maliit na kapaligiran at mga kapitbahay.

Kung sila’y matitino naman at tapat sa mahihirap, muli silang bigyan ng pagkakataon makapanungkulan pa dahil kailangan ng taumbayan ng paglilingkod ng mga lider na kanilang inihalal.

Kung sila’y may damdamin na dapat una ang taumbayan kesa sarili, kailangang huwag natin silang alisin sa puwesto dahil kay sarap ng buhay na pinaglilingkuran ka ni chairman at hindi ikaw ang naglilingkod sa kanya.

Kung sila’y may pantay na pananaw at pagpapairal ng hustisya sa mga kaso’t reklamo na dinidinig ng lupon, dapat hindi sila maalis sa puwesto dahil napakasakit sa mahihirap ang agawan ng hustisya sa mismong kanyang barangay (wala na nga silang tiwala sa hustisya ng piskalya’t hukom, aapihin pa sila sa mismong kanilang barangay?).

Kung sila’y may lingap at kalinga sa kalusugan ng mga bata noong sila’y nanunungkulan pa at namamahagi ng pangunahing mga gamot, kabilang ang mga bitamina, kailangan ay magpatuloy ito para hindi nagkakasakit ang mahihina’t madaling dapuan ng karamdaman.

Kung sila’y parating nasa tapat ng bahay mo sa tuwing may baha, bagyo’t sunog, kailangang nariyan pa rin sila dahil ang lingkod-bayan na nagbubuwis ng buhay para sa iyo ay hindi dapat mawala sa tapat ng bahay mo sa oras ng higit na pangangailangan.

Kung sila’y naging puspusang mga kaaway ng jueteng, loteng, video karera, shabu at iba pang bawal na gamot,  dapat silang magpatuloy sa paglilingkod sa iyong komunidad, dahil ang paligid at kapitbahayan na may ilegal na sugal at droga.

Kung sila’y mapagkumbaba at hindi nalasing sa kapangyarihan at kayabangan, kailangan pa silang maglingkod dahil ang mapagkumbaba ay likas na may damdamin ng kahinahunan at hindi kahambugan.

Kung sila’y maka-Diyos, parating nagsisimba, nagdarasal at naghihikayat sa kawan na magsimba’t magdasal, mag-ayuno’t magdiwang tulad ng ginagawa sa Pasko ng Pagkabuhay, kailangang nariyan pa rin sila dahil nawala na ang ating gabay-espirituwal sa ating mga magnanakaw na kongresista’t mga senador.

Huwag mo namang sabihing kandidatong pagka-kagawad lang sila, kaya puwede na ang iyong kumpare, katoma o kasugal.  Huwag mo namang sabihin na pampuno lang ng barangay ang mga kagawad kaya’t kahit sino ay puwede na at hindi ka na mamimili.

Huwag mo namang sabihin na ang kandito o reeleksyonistang kagawad na nagpa-inom sa iyo ng alak ay siya nang iboboto mo ngayon.

Huwag mo namang sabihin na ang kagawad ay pamparami lang ng tao sa barangay hall. Huwag mo namang sabihin na walang kwenta ang kagawad kaya puwede na ang bastos, lasenggo, makamundo, mamamatay-tao, atbp.

Huwag mo namang sabihin na wala kang mapili sa bunton ng basura kaya puwede na ang mabaho.  Huwag mo namang maliitin ang kagawad dahil kung matitino’t malilinis ang mga kagawad ay dalawang  beses na mag-iisip ang tiwaling barangay chairman.

Magpasalamat ka dahil ang iboboto mo ay mga kakilala mo, mga kalugar mo, mga kabarangay mo, mga kapurok mo, mga kapitbahay mo.

Hindi sila tulad nina mayor, councilor, governor, congressman, senator na makikita, at kakamayan ka, mo kapag panahon ng kampanya; at kapag nanalo na ay hindi na sila dadaan sa tapat ng bahay mo.

Masuwerte ka, dahil nasa iyong kapangyarihan ngayon na huwag iboto ang mga tiwali’t masasama.

Read more...