MMFF 2023 REVIEW: ‘Mallari’ pang-Hollywood, Piolo nangangamoy best actor

MMFF 2023 REVIEW: 'Mallari' lumebel sa Hollywood, Piolo pang-best actor

Piolo Pascual

ISA sa mga all-time favorite Pinoy horror movies namin ang “Feng Shui” na pinagbidahan ni Kris Aquino mula sa direksyon ni Chito Roño.

Pero hindi na kami magtataka kung mapantayan o malagpasan pa ito ng kauna-unahang horror at psychological thriller movie ni Piolo Pascual — ang “Mallari” under Mentorque Productions.

Isa kami sa mga naimbitahan sa naganap na premiere night ng “Mallari” nitong nagdaang Miyerkules, ilang araw bago ito ipalabas sa December 25 bilang bahagi ng Metro Manila Film Festival 2023.

Punumpuno ang Cinema 2 ng SM Megamall at talagang wala kaming nakitang umalis sa kanilang mga upuan habang ipinalalabas ang pelikula na tumagal ng dalawang oras.


Present siyempre sa ginanap na premiere night ang cast members ng “Mallari” sa pangunguna ng Ultimate Leading Man na si Piolo Pascual, kasama sina Janella Salvador, Elisse Joson at JC Santos.

Kasama rin si movie ang beauty queen at veteran actress na si Gloria Diaz na nakakaloka rin ang role bilang nanay ng main character sa kuwento na si Fr. Severino Mallari played by Piolo nga.

Pero bago ang lahat, gusto ko munang i-congratulate ang buong Team Mallari, lalo na sa direktor nitong si Derick Cabrido dahil nagtagumpay sila sa pananakot sa mga nanood sa premiere night.

In fairness, mula simula hanggang ending, talagang sunud-sunod ang pasabog at panggulat ng pelikula. Hindi ka pa nakaka-recover sa pagsigaw sa isang eksena, may kasunod na agad na ikaiigtad mo sa iyong upuan.

Baka Bet Mo: Hirit ni Piolo Pascual sa pagpapakasal at pag-aasawa: ‘Kapag tuli na po ako!’

Iisa naman ang komento ng mga nakapanood na ng “Mallari”, napakalakas ng laban ni Piolo sa best actor category sa magaganap na MMFF 2023 Gabi ng Parangal sa December 27.


Agree kami sa sinabi ni Papa P na ang “Mallari” na ang pinakamahirap na role na kanyang ginampanan sa buong showbiz career niya dahil hindi lang isa o dalawa ang karakter na ginampanan niya sa movie kundi APAT!

So, imagine, apat na iba’t ibang persona at emosyon ang kailangan niyang ipakita sa pelikula na nabigyan niya lahat ng hustisya. Feeling nga namin, lahat ng eksena ni Piolo sa “Mallari” ay highlight kaya naman ilang beses siyang pinalakpakan ng audience.

Ibang klaseng Piolo Pascual ang mapapanood sa movie at sabi nga namin, sulit na sulit ang bonggang talent fee na ibinayad sa kanya ng Mentorque na nagsabing hindi sila tumawad sa asking TF ng management ng aktor.

Matatakot ka, magugulat, mapapatili at mapapaisip ka talaga habang tumatakbo ang pelikula. In fairness, ilang beses din kaming napatili at napamura sa mga panggulat na eksena lalo na nang ma-reveal na ang ilang lihim ng pamilya Mallari at kung bakit naging serial killer si Fr. Severino.

Baka Bet Mo: Piolo Pascual hindi agad tinanggap ang ‘Mallari’: Tatlong characters, napakahirap!

Bukod kay Piolo, hindi na rin kami magtataka kung magwaging best supporting actor si JC Santos dahil sa nakakalokang performance niya sa movie na siguradong tatatak din sa manonood lalo na sa pasabog na rebelasyon niya sa bandang ending.

Hindi rin naman nagpahuli sina Janella at Elisse sa galing nina Piolo at JC, dahil may kanya-kanya rin silang paandar sa pelikula, lalo na si Janella na bongga ang eksena sa ending na talagang super clap ang manonood.

Masa-shock din kayo sa mga pinaggagawa ng beteranang aktres na si Gloria Diaz sa pelikula na may “kissing scene” din pala kay Piolo. Kuwento sa amin ng isang taga-production, si Gloria talaga ang gumawa ng ilang stunts niya sa “Mallari” at hindi raw siya nagpa-double.

Sa technical aspect naman ng “Mallari” sure na sure kami na mabibigyan din ng awards ang mga ito dahil mala-Hollywood talaga ang datingan, kabilang na ang cinematography at production design na totoo namang ginastusan ng Mentorque ni Bryan Dy.

Basta, lumebel ang “Mallari” sa gulatan factor ng “Feng Shui” at feeling namin, marami ang magsasabing baka mahigitan pa ng entry nina Papa P ang blockbuster hit ni Kris.

Kaya naman pala hindi nagdalawang-isip ang Warner Bros. Philippines na makipag-collab sa Mentoque Productions para sa release ng “Mallari” sa Pilipinas at posible rin sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Read more...