SIBAK na sa pwesto ang dalawang pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) na nag-upload at nagpakalat ng crime scene video ng yumaong aktor na si Ronaldo Valdez.
Ngayong araw, December 20, inanunsyo ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo ang pagkakatanggal ng dalawang pulis na kabilang sa mga rumesponde sa pagkamatay ng aktor sa kanyang bahay sa New Manila, Quezon City, noong Linggo, Disyembre 17.
Bukod pa rito, maging ang station commander sa lugar ay sinisante na din dahil sa prinsipyo ng “command responsibility” dahil na rin sa dalawa niyang tauhan ang nagkalat ng video.
Samantala, hindi naman pinangalanan ng PNP ang mga pulis na sinibak nila sa pwesto.
Ayon pa kay Fajardo, iniimbestigahan na ang mga pulis kung posible silang kasuhan ng Anti-Cybercrime Law dahil sa kawalan ng respeto kay Ronaldo at sa pamilyang naiwan ng namayapang aktor.
Makikita sa video na nakaupo ang beteranong aktor sa upuan sa kanyang kwarto na may mga gunshot wounds.
Baka Bet Mo: Talent manager napamura sa pambabastos kay Ronaldo Valdez: Magtutuos tayo!
Maging ang talent manager nitong si Jamela Santos ay napa-react matapos kumalat ang crime scene video ng kanyang minamahal na alaga.
“Stop this!!!!! Do I have a friend from NBI? Please help!!! Why can people be soooo cruel!!!! I can’t believe it!!!! Ano, para maka-scoop kayo???? Para mag-trending kayo?????!!!!” saad ni Jamela.
Dagdag pa niya, “How can you be soooo low! Mga walang respeto!!!!! A GOOD and a brilliant man like him doesn’t deserve this!!!!! Babalik [sa inyo] lahat ng ginawa [niyo]!!!! It’s just a matter of time.”
Nakikiusap naman ang kapulisan sa publiko na itigil na ang pagpapakalat ng naturang video base na rin sa hiling ng naiwang pamilya.