INAASAHANG dadagsa ang mga celebrities sa lamay ng yumaong aktor na si Ronaldo Valdez na nagsimula kagabi, December 18.
Nakaburol ang cremated remains ng award-winning veteran actor sa Garden Suite ng Loyola Memorial Chapels & Crematorium sa Guadalupe, Quezon City. Wala pang inilalabas na detalye tungkol sa kanyang inurnment.
Sumakabilang-buhay si Ronaldo o Ronald James Dulaca Gibbs sa totoong buhay, nitong nagdaang Linggo, December 17.
Habang isinusulat namin ang balitang ito ay wala pa ring tigil ang pagbuhos ng pakikiramay sa pamilyang naulila ni Ronaldo kabilang na riyan ang mga kaibigan at mga katrabaho na nagulat sa biglaan niyang pagpanaw.
Ayon sa ulat, inatake umano ng matinding depresyon si Ronaldo kasunod ng naging operasyon niya sa prostate cancer noong December, 2022 sa Cardinal Santos Hospital.
Baka Bet Mo: Ronaldo Valdez: Napakasarap kasama ni Kathryn tapos ang galing-galing pa, si Daniel naman para ko na talagang apo
May lumabas pang report na nagsimula na rin umanong magkaroon ng Alzheimer’s ang beteranong aktor ngunit hindi pa ito kinukumpirma o dinedenay ng kanyang pamilya. Kaya hintayin na lang natin ang magiging pahayag nila hinggil dito.
Natagpuan si Ronaldo ng kanyang driver na si Angelito Oclarit na duguan sa loob ng kwarto nito sa kanyang bahay sa New Manila, Quezon City nitong Linggo ng hapon na may hawak na baril ang isang kamay.
Naka-recover ang mga tauhan ng QCPD Forensic Unit sa loob ng silid ng aktor ng isang kalibre .45 Norinco pistol na may empty magazine, isang fired cartridge case at isang gun case na naglalaman ng isang empty magazine.
Base sa inisyal na imbestigasyon, may tama ng bala ng baril sa kanyang kanan at kaliwang sintido ang aktor. Hindi pa kinukumpirma ng QCPD kung nagpakamatay si Ronaldo dahil hinihintay pa nila ang resulta ng lab exam mula sa SOCO.
Baka Bet Mo: Ronaldo Valdez super touched sa pa-tribute ni Kathryn Bernardo: Pinaiyak mo ko, kainis ka!’
Hinihintay pa rin ng otoridad ang resulta ng paraffin at ballistics test na isinagawa sa aktor at sa mga kasama nito sa bahay. Nangako ang QCPD na maglalabas sila ng official statement kapag natapos na nila ang imbestigasyon.
Kahapon, isang araw matapos mabalitang patay na si Ronaldo, naglabas ng opisyal na pahayag ang anak nitong si Janno Gibbs kasabay ng pakiusap na igalang ang kanilang privacy sa gitna ng kanilang pagluluksa.
“It is with great sorrow that I confirm my father’s passing. Your prayers and condolences are much appreciated,” ang mensahe ng TV host-comedian.