Ronaldo Valdez may tama ng bala; mga kasama sa bahay nag-paraffin test

Ronaldo Valdez may tama ng bala; mga kasama sa bahay nag-paraffin test

Ronaldo Valdez

HINIHINTAY pa ng pamilya ni Ronaldo Valdez ang resulta ng mas pinalawig na imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pagkamatay ng veteran actor.

Ayon sa inisyal na pagsisiyasat na isinagawa ng Quezon City Police District (QCPD), may tama ng bala ng baril sa ulo si Ronaldo nang makita sa loob ng kuwarto ng kanyang bahay sa Manga St., Barangay Mariana, New Manila, Quezon City nitong Linggo ng hapon.

Sa report ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), natagpuan ang bangkay ng beteranong aktor ng kanyang driver na si Angelito Oclarit, alas-3:20 ng hapon habang nakaupo sa silya at hawak ang caliber .45 na baril.

Idineklarang dead-on-arrival sa St. Luke’s Hospital si Ronaldo o Ronald James Dulaca Gibbs, sa tunay na buhay. Siya ay 76 years old.

Sa ulat ng “24 Oras” kagabi, sinabi ni Police Major DonDon Llapitan, hepe ng CIDU-QCPD, kinumpirma nitong natagpuan sa loob ng kuwarto si Ronaldo na wala nang malay at may tama ng bala ng baril.

Baka Bet Mo: Ronaldo Valdez: Napakasarap kasama ni Kathryn tapos ang galing-galing pa, si Daniel naman para ko na talagang apo

Kasunod nito, agad ngang nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang mga operatiba ng QCPD upang malaman ang tunay na nangyari sa aktor at kung may foul play sa pagkamatay nito.


At dahil nga may nakitang baril sa kuwarto ng tatay ni Janno, isinailalim din sa paraffin test ang lahat ng tao sa bahay bilang bahagi ng standard operating procedure sa imbestigasyon.

Ngunit agad namang nilinaw ng QCPD na hindi ito indikasyon na may kinalaman sa kaso ang mga isinama sa paraffin test.

Baka Bet Mo: Ronaldo Valdez super touched sa pa-tribute ni Kathryn Bernardo: Pinaiyak mo ko, kainis ka!’

Habang isinusulat ang balitang ito ay hinihintay pa ang resulta ng paraffin at ballistics test. Nangako naman ang otoridad na maglalabas sila ng official statement kapag natapos na nila ang imbestigasyon.

Muli, nakiusap ang QCPD sa publiko na huwag mag-post o magpakalat ng maling impormasyon tungkol sa pagpanaw ng aktor at irespeto muna ang privacy ng pamilya nito.

Kahapon, isang araw matapos mabalitang patay na si Ronaldo, naglabas ng opisyal na pahayag ang anak nitong si Janno Gibbs kasabay ng pakiusap na igalang ang kanilang privacy sa gitna ng kanilang pagluluksa.

“It is with great sorrow that I confirm my father’s passing. Your prayers and condolences are much appreciated,” ang mensahe ng TV host-comedian.

* * *

Kung kailangan o may kakilala na nangangailangan ng kausap, maaaring tumawag sa Hopeline, ang 24/7 suicide prevention hotline, sa telepono bilang (02) 804-4673; 0917-5584673.

Maaari ding tawagan ang National Center for Mental Health (NCMH) Luzon-wide landline (toll-free) sa numerong 1553. Ang mga Globe at TM subscribers ay maaaring tumawag sa 0917 899 8727 o 0966 351 4518, habang Smart, SUN at TNT ay maaaring tumawag sa 0908 639 2672.

Read more...