PILIPINAS tinambakan ang HONG KONG, 87-57

GUMANA agad ang laro ng national women’s team para sa madaling 87-57 panalo sa Hong Kong sa pagbubukas kahapon ng FIBA Asia Championship for Women kahapon sa Bangkok, Thailand.

Nagdomina sa ilalim si Analyn Almazan sa kinamadang 22 puntos at pitong rebounds para pamunuan ang Nationals sa pagdurog sa Hong Kong tungo sa 1-0 baraha sa Level II.

Gumawa rin ang starter na si Merenciana Arayi ng 14 puntos habang 12 puntos ang ibinigay ni Fria Bernardo mula sa bench at ang tropa ni coach Haydee Ong ay nagtala ng 53% shooting (36 of 68) at kinatampukan ito ng 34-10 kalamangan sa points in the paints.

Gumawa rin ng 16  puntos mula sa turnovers ang Pilipinas para madomina ang Hong Kong.Bukod sa inside game, nakita rin ang bangis ng Nationals sa pagbuslo ng tres nang makagawa sila ng walong 3-pointers sa 20 ipinukol.

Si Arayi ay may apat na tres habang sina Bernardo at Joan Grajales ay may tig-dalawa. Ang co-captain na si Grajales ay mayroon ding anim na assists.

Ang Pinay cagebelles ay nakalikom din ng kabuuang 25 assists kumpara sa 16 ng Hong Kong. Nakakuha rin ang Pilipinas ng 12 steals laban sa apat ng Hong Kong.

Sina Lai Yi Law at Hau Yee Chu ang nanguna para sa Hong Kong sa kinamadang tig-11 puntos. Ang Pilipinas at Hong Kong, China ay kasama ng Uzbekistan, host Thailand, Indonesia at Malaysia sa grupo at ang mangungunang koponan ay magkakaroon ng pagkakataon na mapasama sa Level I sa susunod na edisyon.

Pero higit sa umangat ng lebel, kailangan ng tropang suportado ng Discovery Suites na talunin ang mga Southeast Asian countries na Thailand, Indonesia at Malaysia para masama sa pambansang delegasyon sa SEA Games sa Myanmar sa Disyembre.

Bagamat nanalo ng pilak, kailangan pang patunayan ng koponan na karapat-dapat silang ipadala na ipinag-utos ng POC-PSC Task Force.

Ang susunod na kalaro ng Nationals ay ang Uzbekistan at tiyak na gagamitin ng koponan ang larong ito bilang bahagi ng paghahanda sa mas mabigat na laro sa Martes laban sa host Thailand.

Noong 2011 SEA Games sa Indonesia ay kinapos ang Nationals sa Thais nang nanalo ito sa overtime para kunin ang gintong medalya.

Nagpasikat din ang Malaysia nang talunin nila ang Indonesia sa ikalawang laro, 61-49.

Read more...