KAHIT ako ay nahihilo na rin sa mga katagang “savings realignment”, “impounded savings”, “unprogrammed funds” o “standby appropriations” na ginagamit ng Malacanang para depensahan ang kontrobersyal nitong Disbursement Acceleration Program (DAP).
Kesyo,wala raw anomalya rito sa panig ng Aquino administration at kung meron mang dapat imbestigahan at magpaliwanag ay ang mga mambabatas na nakakuha ng pondo sa DAP at ibinigay sa mga bogus NGOs tulad nang kay Napoles.
Tama ang Malacanang dito, pero sigurado ba sila na wala silang pondo na napunta rin kay Napoles?
Marami pang kwestyong dapat sagutin dito. Unang-una, lumalabag ba sa Konstitusyon ang DAP na sa tingin ng mga legal experts ay isang uri ng “fund juggling” na walang otorisasyon ng Kongreso?
Legal daw sabi ni Pnoy at kanyang Gabinete. Sabi naman ni dating Senador Ping Lacson, “constitutionally infirm” daw ang DAP, di ko tuloy mawari kung bakit di pa niya sinabing deretsahan na labag nga ito. Pero sa Nov. 11 pa pag-uusapan ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang legalidad nito , at wala silang inisyu na TRO para ito’y pigilan.
Pero ano ang scenario kung magdesisyon ang Korte at sabihing ilegal ang DAP? Pag nagkataon, malaking problema ito at posibleng ma-impeach si PNoy sa tinatawag na “culpable violation of the Constutiton” bagamat dominado niya ngayon ang Kongreso.
At para hindi ito mangyari, ngayon pa lang, meroon nang mga operatiba ang Malacanang para gapangin ang Korte Suprema para pumabor sa DAP.
Halos kasabayan din nito ang imbestigasyon sa isang “Ma’m Arlene” na yumayari daw ng kaso sa mga hukuman, lalo na sa Court of Appeals.
Gumawa pa ng panel of investigators si Chief Justice Maria Lourdes Sereno at inappoint na pangunahan ito ni Associate Justice Marvic Leonen. Hindi ako magtataka kung kasama ito sa “pressure” sa mga mahistrdao ng SC lalo na iyong nakararaming hindi appointee ni Pnoy. Kayat abangan ang susunod na mga pangyayari.
Ikalawang malaking kwestyon sa DAP, ay kung bakit nagkataon na napunta ang tig- P200 milyong pondo nito sa higit 20 senador na bumoto sa Corona Impeachment trial? Regular bang pondo ito o suhol sa pagpapatalsik sa dating Chief Justice? Sensitibo ang isyu na ito dahil ang “bribery” ay isa ring impeachable offense kaya naman todo tanggi sila at nililihis tayong mamamayan sa isyu.
Ikatlong malaking kwestyon sa DAP, ay nakakatiyak ba tayo na walang nangyaring katiwalian sa ibang proyektong pinaglaanan ng Malacanang ng pera mula rito? Paano kung matapos ang administrasyon ni PNoy ay maglitawan ang mga “whistleblowers” para sa kasalukuyang proyekto na pinondohan ng DAP?
At ikaapat na kwestyon, bakit itinuloy ng Aquino administration ang baluktot na patakaran ng corrupt na rehimen ni dating Pangulong Gloria Arroyo sa paggamit ng “unprogrammed funds” ng gobyerno na iniba lang ang estilo o modus operandi?
Akala ko ba mawawala na ang kadiliman, papalitan ng bagong pag-asa at ilaw para sa bayan na ipinangako noong 2010 elections? Bakit hanggang ngayon, iba-iba ang sinasabi, iba-iba ang paliwanag, talamak ang doble-karang pananalita ng ilan sa Aquino administration? Nangyayari ito habang ang sambayanang Pilipino ay lalong nalilito din at naghahanap ng katotohanan sa tila dumidilim na tuwid na daan. Ang masakit lamang, patuloy ang panghoholdap ng Malacanang, mga senador at congressmen sa pinagpawisan at pinaghirapan nating mga buwis sa gobyerno.
Para sa komento at tanong, i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.