Customs exec baka makalusot sa graft case

Target ni Tulfo by Mon Tulfo

PARANG may katotohanan ang mga akusasyon sa mga tauhan sa Office of the Ombudsman na sila’y nalalagyan upang ayusin ang kasong nakabimbin sa nasabing ahensiya.
Isang kaibigan na dating government official na retirado ang nakapagsabi sa akin na noong magreretiro na siya ay may naka-pending na graft case sa Ombudsman.
Di raw siya nahirapang kumontak sa isang tauhan doon na humingi sa kanya ng lagay upang ayusin ang kaso.
Nagbayad daw siya na malaki-laking halaga upang ma-clear siya for retirement.
Sinabi niya ang pangalan ng tauhan ng Ombudsman, pero hindi ko ito mapapangalanan dito dahil baka masampahan tayo ng libel. Wala kasi akong pinanghahawakang dokumento.
Matatandaan na inakusahan ni Luneta hostage –taker police Capt. Rolando Mendoza si Deputy Ombudsman Emilio Gonzales dahil diumano humingi ng P150,000 na lagay sa kanya upang mabaligtad ang kanyang extortion case at maibalik siya sa serbisyo.
Napatalsik kasi si Mendoza dahil sa isang extortion case at nais niyang makabalik sa serbisyo.
Nang-hostage si Mendoza ng mga Hong Kong tourists upang mai-dramatize ang kanyang demand for reinstatement.
* * *
Ang kasong extortion ni Mendoza ay mani o peanuts kumpara sa graft case laban kay Joey Yuchongco, hepe ng customs police.
Si Yuchongco, ang sabi ng aking source, ay may kasong grave misconduct and dishonesty na nakabimbin sa Office of the Ombudsman.
Ang case number ay OMB-C-A-0301-G.
Ang sabi ng aking source ay nasuspinde si Yuchongco ng ilang buwan habang iniimbestigahan ang kanyang kaso.
Pero nang makabalik siya ay hindi lang dating gawi kundi mas tumindi pa raw ang kanyang ginagawang katiwalian ngayon.
Madaling nagdesisyon ang Office of the Ombudsman sa kaso ni Mendoza at siya’y natiwalag sa tungkulin after one year of hearing.
Pero ito raw kaso ni Yuchongco ay limang taon nang nakabimbin sa Office of the Ombudsman. How come wala pa raw decision?
May balita na baka raw ang desisyon ay mapawalang-sala si Yuchongco kahit na malakas ang ebidensiya laban sa kanya.
Sa anong dahilan? For five million reasons daw.
* * *
May balita pa nga na kapag napawalang-sala si Yuchongco ay baka maging deputy customs commissioner pa raw ito.
Siya mismo raw ang nagkakalat ng balitang yan.
Naku, Mr. P-Noy, bakit naman ganoon!
Akala namin ay sinabi mo na ang iyong administrasyon ay tatahak ng “matuwid na daan?”
* * *
Nagkalabuan ang matamis na pagtitinginan ng isang government official at kanyang magandang girlfriend na palagi niyang ibinabandera sa publiko.
Tisay, balangkinitan at mala-birhen ang mukha ng babae.
Hindi lang maganda si babae, matalino pa ito.
Maraming tao na gustong magkatuluyan ang dalawang magsing-irog.
Nasa tamang edad ang dalawa.
Pero tila ayaw ng pamilya ni lalaki kay babae.
Ngayon nga, nagkalamigan na ang kanilang relasyon.
Anong dahilan?
Ang sabi ng aking source, “bilmoko” raw itong si babae.
“Bili mo ako niyan, bili mo ako nito. Gusto ko niyan, gusto ko noon.”
Ang kaso, itong si government official na aking tinutukoy ay kuripot. Ayaw niyang gumastos dahil wala naman talaga siyang pera.
Ibang-iba itong si Mr. Government Official sa kanyang mga kasamahan sa gobyerno. Hindi siya kurakot.
Mahirap daw makabili itong si lalaki ng bagong barong Tagalog.
In short, mahirap magsama ang isang kuripot at manghuhuthot.

Bandera, Philippine news at opinion, 091410

Read more...