INIHALINTULAD ng Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes sa isang “dance number” ang pagsasama nila ni Marian Rivera.
Tulad ng ibang mga mag-asawa, may mga pagkakataong nagkakatampuhan at nagkakaroon din ng problema sina Dong at Yanyan sa kanilang married life.
“Lahat naman ng mga couples ay nagkakaroon ng challenges sa kanilang relationship, ganoon din kami.
“Actually, sa amin, early on pa, pero dahil matibay ‘yung respeto namin sa isa’t isa, ‘yung pagmamahal, at higit sa lahat we really recognize that God is at the center of our relationship.
“Kung ganoon talaga, siguradong may gagabay sa ‘yo, ibabalik at ibabalik ka niya sa gitna,” ang pahayag ng award-winning actor sa mediacon ng comeback movie nila ni Marian na “Rewind” recently, na isa sa official entry sa Metro Manila Film Festival 2023.
Patuloy ni Dong, “Sa aming relationship, malaking bagay na nagsimula kami in our late 20s, siya mid 20s, ako late 20s. Ibig sabihin kahit paano nakapag-mature na kami sa aming mga choices, and nu’ng nagsama kami, kumbaga medyo hinog na ‘yung mga gusto namin sa buhay.
“Nu’ng mga panahon na ‘yung din, ‘yung mga milestones na nagaganap sa buhay namin, maraming first time na nangyari sa buhay ko.
“Sa kanya rin, maraming first time na nangyari sa kanya at na-experience namin ‘yun together,” dugtong ng aktor at TV host.
Naniniwala rin ang Kapuso star na “give and take” dapat sa isang relasyon, “I truly treasure all these memories kaya siguro nu’ng nalipat na ‘yung aming relationship sa isang totoong relationship na panghabangbuhay ay nadala rin namin itong mga learnings na ito.
Baka Bet Mo: Robin sa bashers: Wala na po tayong panahon para riyan, napakalaki po ng problema ng ating hinaharap
“Yung learnings na pagrespeto sa isa’t isa, pagbibigay ng tunay na pagmamahal dahil na-apply din naman namin ito sa aming trabaho eh.
“Isang pinakamagandang nagagamit namin mula noon hanggang ngayon ay ‘yung dynamics namin as partners. Hinahambing ko parati ‘yan sa sayaw eh, para siyang isang dance number na may naggi-give at may nagte-take tapos with the harmony smoothly na para bang natutunaw kayo together,” ang punto pa ni Dong.
“Pati ‘yun na-experience namin even as co-workers. Nangyari sa amin ‘yun and I think organically na-apply namin ‘yun sa aming personal relationship hanggang ngayon bilang mag-asawa.
“Para sa akin na-value ko ‘yung mga pagkakataon na ‘yun kung saan nakasama ko siya experiencing and witnessing these milestones na never kong inakalang mangyayari sa buhay ko,” dagdag pa niya.
Para naman kay Marian, “Hindi talaga natin maiiwasan, sa isang relasyon mayroong hindi pagkakaunawaan, pero siguro one thing is for sure sa amin ni Dong, kung may mangyayari mang ganyan sa amin, hindi kami natutulog na hindi naaayos ang lahat.
“Kailangan may heart-to-heart talk kami at after nun. Kailangan nasa sentro talaga Siya (God), kasi kahit ano’ng plano ang gawin mo, Siya pa rin ang masusunod, Siya pa rin ang master natin,” sey pa ng celebrity mom.
Baka Bet Mo: Anne Curtis kinabahan sa ‘It’s Showtime’ comeback, umulit sa prod number
Pagsang-ayon naman ni Dingdong sa sinabi ng kanyang wifey, “Isa sa mga pinakamalinaw na lessons na natutunan ko portraying the character of John, ay siyempre may mga bagay na…imposible mo nang ma-rewind kaya make the most of what you have right now.
“Yung relationships na mayroon ka, ‘yung mga taong mahal mo siguraduhin mo, iparamdam mo na mahal mo sila. Kasi baka ‘di na dumating ‘yung araw na maibigay mo sa kanila ‘yun so bago pa magsisi ang lahat now is the time for us to live more and love more,” anang aktor.
Pinayuhan naman ni Yanyan ang mga kapwa niya misis, “Sa mga asawa na busy, at mga asawa na nahihirapang magsalita sa asawa, walang time, kung paulit-ulit niyong ikikimkim ang lahat, iipon, sasabog kayo, kaya ang mangyayari, sa relationship, hindi maganda.
“So, kung mayroong pagkakataon at tumitiyempo, kung mayroon kang nararamdaman na hindi okay, walang masamang diretsuhin mo ‘yung asawa mo, sabihin mo para maayos niyo agad,” dagdag pa niya.
“Malaking factor din na kahit mataas man o mababa, tagumpay man o ‘di tagumpay, nandiyan kayo para sa isa’t isa. Kung ano’ng pagkukulang ng isa, pupunan mo.
“Hindi kasi kailangan parehas, kailangan nasa isa lang ang pedestal, kailangan dalawa kayong nagtutulungan para makamit niyo ‘yung pangarap niyo.
“Makakamit niyo ‘yung pangarap na ‘yun kung nandiyang nga ‘yung love, respect, give and take. And ang mahalaga niyan parehas kayo ng faith na parehas lang ‘yung patutunguhan niyo at alam naming dalawa na hindi kami magiging ganito katatag kung wala ‘yung nasa taas.
“So, palagi kami roon. No matter what happens, anuman mangyari sa buhay namin, ibigay man lahat ng biyaya sa amin, lahat ‘yan ibabalik namin sa itaas kasi lahat binigay Niya sa amin.
“Dahil lahat tayo may pinagdadaanan, pelikula ito sa mga taong may pinagdadaanan. Itatanong mo talaga rito kung ano’ng mga pagkakamali mo at kung binigyan ka ng pagkakataon, maitutuwid mo ba ang iyong pagkakamali,” ang tuloy-tuloy pang paliwanag ni Marian.