Sa totoo lang, lalahatin ko na ang lahat ng mga LGU sa buong bansa, pero tanging dito lang sa Quezon City ko nakita ang tahimik pero maramihang pabahay sa mga residente. Mula noong 2020, meron nang 6,852 dating informal squatter families ang nabiyayaan ng iba’t ibang socialized housing programs sa pamamagitan ng derektang pagbili ng tinitirikang lupa ng kanilang mga bahay, contract to sell, rental housing kabilang na ang relocation at resettlement programs.
Bukod dito, may mga biniling lupa ang QC LGU na 12,962 square meters nasa Bgy., Payatas, Commonwealth Batasan Hills at Matandang Balara na pinakinabangan ng 1,487 families. Nakatakda na ring bilhin ang 168,803 sqms para sa 2,798 families sa Bgys. Pansol, Pasong Tamo at maging sa Payatas at Commonwealth. Kasado na ang “contract to sell” ng 928 beneficiaries at 132 naman ang nabigyan na ng sariling titulo.
Meron ding itatayong mga residential condominium progjects para sa 8,152 families sa Sitio Kawayan sa San Agustin, Howmart sa Baesa, QCitizen Homes sa Novaliches, Adelfa sa Culiat, Sweet Haven sa Payatas, at NIA Development Project sa Pinyahan na lahat ay natakdang bahayan sa susunod na taong 2024.
Hanep din ang ginagawa ngayong mga low-rise at high-rise buildings na ipinapatayo ni Mayor Joy Belmonte na tatawaging mga QCitizen Homes. Isa rito ay 12-story building na tinaguriang QCitizen Homes-Republic Residences, isang 12-storey building at walong 5-storey buildings sa Barangay Holy Spirit kung saan maninirahan ang mahigit 600 na pamilya, kasama na rito ang maswerteng mga QC public school teacher, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Education. Meron ding dagdag pabahay sa kanila at mga informal settlers sa Brgy. Baesa, Balingasa, Payatas, Bagbag, at Bagong Silangan.
Sa pakikipagtulungan sa national government tulad ng NHA at Dept of Human Settlements and Urban development, dalawang 15-storey building ang itinatayo sa IBP Road, Barangay Batasan Hills para sa mga 900 miyembro ng Batasan Tricycle Opertors and Drivers Association (BATODA) at Ilang nakatirang informal settlers sa National Government Center.
Sa aking bilang, aabot sa halos 15,000 na pabahay units ang socialized housing program na ito ni Mayor Joy Belmonte. Isang bagay na masasabing dito lamang sa Quezon City nangyayari kaya naman dapat mainggit ang iba pang lungsod sa Metro Manila o iba pang urban centers sa bansa.
At kung hanep ang mga pabahay project sa QC, mas matinding lalo ang kanilang “pangkabuhayan” project na nagbibigay ng puhunan sa mga residenteng gustong magnegosyo. Ngayong taong 2023, aabot sa higit 92,000 na mga OFW, solo parents, seniors PWDS, mga batang QC ang tumanggap ng pondong aabot sa P285M para pumasok sa mga negosyong QC Essentials, POP QC, Youth Entrepreneurship Program, Digital Beauty Academy, Fresh Market, Small Income Generating Assistance o SIGA at Tindahan ni Ate Joy. Sila ay binibigyan ng skills training, entrepreneurship seminars, at job opportunities ng maraming malalaking kumpanya at pribadong sector upang matuto sa pamamahala ng pera, pagnenegosyo at mentoring para kumpleto rekado at handa ang mga beneficiaries na maging “entrepreneur.” Labimpitong tiangge at trade fairs ang idinaos ng LGU sa iba’t ibang malls at higit P12-M pesos ang kinita ng mga beneficiaries. Ika nga, libreng puhunan na, libreng pwesto pa.
At batay sa survey na isinagawang QC LGU sa higit 2,000 bagong negosyante, 82 percent sa kanila ang patuloy na nagpapalago ng kanilang mga negosyo. Pati start-up companies , binibigyan din ng P1-M seed money kung ito’y nakakatulong sa lipunan. Limang start-ups na ang nabigyan ng suporta at dalawa ang nasa incubation process pa , kabilang ang mobile app na WIKA, na nagsisilbing gabay ng mga may “hearing impairment” na makapanood at makarinig ng video maging sa TV o pelikula.
Dito sa QC, kung ikaw ay mahirap na PWD, Senior Citizen o Solo Parent, halos 13,000 sa kanila ay nabigyan ng P1,500 bawat quarter o kabuuang P6,000 bawat taon bilang financial aid.
Kung wala kang trabaho at naghahanap ka ng mapapasukan, bibigyan ng kanilang financial assisteance sa ilalim ng Alagang QC program, P500 pesos bawat linggo sa loob ng apat na buwan o maximum na P4,000 para sa pamasahe , medical checkups at pagkuha ng mga requirements.
Idagdag mo pa riyan ang walang katulad nilang LIBRENG SAKAY ng tinatawag nilang QCITYBUS na ginagamit ngayon ng mga residente patungo sa kanilang mga hanapbuhay. Ito ay may nakatakdang bus route numbers at bus stops sa mg pangunahing lansangan ng lungsod at batay sa pinakahuling ulat , umabot na sa 19.7M ang mga pasaherong nakasakay dito. Sa mga residente, nakakatipid sila ng hanggang P7K sa pasahe at nagagastos na sa ilang mas mahalagang bagay.
Sa totoo lang, napakarami pang mga biyaya ang ibinibigay ng Quezon city LGU sa kanilang mga residente. Sa kabuuang budget na P35-B pesos ngayong taon, P13.4-B ang nakalaan para sa social services o derektang kapakanan ng mga mamamayan. At kahit napakalaki ng badyet ng QC-LGU, iginawad ng Commission on Audit (COA) sa ikatlong sunod na pagkakataon ang “clean and unqualified opinion” sa pamamahala nito sa pananalapi. Ito ang pinakamataas na “audit rating” na maaring ibigay ng COA sa isang Lungsod. Pagpapatunay lamang na nananatiling mahusay ang pagggastos nila sa kaban ng bayan.
Ibinibida ko sa inyo itong mga nangyayari sa QC upang hamunin ang iba pang LGU sa buong bansa na palawakin din ang kanilang “social services” . Karamihan kasi ng mga nagiging punong bayan ay puro komisyon sa kontrata, porsyento sa basura, o kaya’y overpricing ng mga project at iba pang anomalya ang inaatupag. Kapapanalo pa lang, gusto nang bawiin ang gastos sa eleksyon.
Ang ehemplong ibinigay dito ng QC LGU ay “clean and honest governance” na derektang nagbibigay tulong sa mga nagdarahop nilang mga kababayan. Hanapbuhay, trabaho , tulong pinansyal, libreng gamot, pabahay at iba pa ang hinahanap ng taumbayan sa kanilang gobyerno. Sana all!